PAMAMAHAYAG

PAMAMAHAYAG

July 13, 2021 @ 7:33 PM 1 year ago


HULYO 10, 2020 – HULYO 10, 2021 isang taon na ang nakalilipas nang patayin nila ang ABS CBN 2.

Pinagkaitan nila ng hanapbuhay ang 11,000 mangggagawang nawalan ng trabaho sa panahon pa naman ng pandemya. Pinagdamutan nila ng kaligayahan ang 80% na loyal kapamilya sa kabuuang 100% populasyon ng sambayanang Filipino.

Pinatay nila ang isang pundasyon ng demokrasya, ang kalayaan sa pamamahayag.

Datapwa’t hindi naman nila tuluyang napatay ang ABS CBN 2 sa halip ay dumami pa ito. Nariyan ang Facebook, ang YouTube, ang A2Z Channel 11 at ang TV 5 na mga nagbukas ng pintuan upang pansamantalang silang kupkupin.

Matapos ang panahon ng Batas Militar nang ito ay unang naipasara, sa pangalawang pagkakataon ay muli na naman itong naipasara.

Datapwa’t sa panunumbalik ng demokrasya noong 1986 ay muling sumahimpapawid ang higanteng istayon sa bansa kaya naman umaasa ang maraming Filipino na sa pagpapalit ng bagong administrasyon sa 2022 ay muli ring mabubuksan ang tinaguriang Philippines Largest Network.

JUNE 6, 2021 isang buwan nang mahigit ngayon ang nakalilipas nang ako ay mabigyan ng pagkakataon na makapagsulat sa isang national newspaper o tabloid, ito ang Remate (Diaryo ng Masa).

Nagsimula noong college days ko sa Cavite State University (CvSU) Indang, Cavite ang linya ko sa pagsusulat sa mga campus publication gaya ng The Gazette at Students Chronicle.

Sa labas ng pamantasan ay nagsulat naman tayo sa mga local newspaper na Cavite Expose, Responde Cavite, Peoples Bulletin, Operation Expose at Parokya SGM hanggang sa mga FB news page na Paps Rex TV, Indang Cavite Trends, Calabarzon Trends at Cavite TV.

Ang dati kong pangarap lamang na makapagsulat sa isang national newspaper kagaya ng Remate ay nagkaroon ng katuparan dahil sa mga kapwa ko Lion sa Pasay City Host Lions Club na sina DENR Usec. Lion Benny Antiporda at Lion Lydia Bendaña Bueno ng Remate. Maraming salamat po sa inyong tiwala sa aking munting kakayanan, mga Boss.