Pamamaril sa grupo ni ka-Leody, tatalupan ng Comelec

Pamamaril sa grupo ni ka-Leody, tatalupan ng Comelec

April 20, 2022 @ 8:39 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Lima ang sugatan matapos paulanan ng bala ang grupo ng labor leader at presidential candidate si Ka Leody de Guzman habang nagsasagawa ng pulong sa Barangay Butong sa bayan ng Quezon.

Ligtas sa pamamaril si De Guzman gayundin ang dalawa niyang senatoriable na sina Roy Cabonegro at David D’Angelo.

Nasugatan naman ang kanilang organizer na si Nanie Abela at isang lider ng Manobo-Pulangiyon tribe.

Kwento ni presidential aspirant, nagtungo sila sa lugar dahil sa reklamo ng mga katutubo na pang-aagaw ng kanilang ancestral land.

Kinondena naman ng Malakanyang ang insidente.

“Violence has no place in any civilized society. We urge the local authorities to conduct a thorough investigation and prosecute those behind this dastardly act,” ani Presidential Communications Secretary at Acting Presidential Spokesman Sec. Martin Andanar.

Sa pahayag naman na inilabas ng Partido Lakas sa Masa ni Leody, sinabi nito na ang indigenous group ay nahaharap sa land-grabbing issue sa ancestral land, na sinasabi nilang inookupa ng local official.

“Alam nating mayayaman at makapangyarihan ang ating binabangga sa labang ito,” De Guzman said in a tweet. “Ngunit ibang klase pa rin kapag talagang direkta tayong dinahas. Walang halaga sa kanila ang buhay nating mga maliliit,” saad sa tweet ni Leody.
Nagpasalamat naman siya sa mga sumusuporta na nagdasal para sa kanyang kaligtasan.

“Salamat sa mga nag-alala. Ako po at sila kasamang Roy Cabonegro at David D’angelo ay ligtas,” aniya pa. “Ang tinamaan ay ang nasa tabi ko, si Nanie Abela, na organizer ng mga magsasaka sa Mindanao. Casualty rin ang isang lider ng tribong Manobo-Pulangiyon.”

Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng pulisya maging ng Commission on Elections ang nasabing insidente.

“These incidents of violence have no place in the process of our elections. This is why the Comelec has been more active in pursuing peace covenants and providing decisive action if threats that disturb a peaceful election arise,” ani Comelec chairman Saidamen Pangarungan. RNT