Pamamaril sa mag-ama, kinondena ni Mayor Tiangco

Pamamaril sa mag-ama, kinondena ni Mayor Tiangco

October 16, 2022 @ 12:46 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kinondena ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang nangyaring pamamaslang sa kanyang kapwa Navoteño sa Brgy. Tangos South, kamakailan.

Taos puso nagpaabot ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng biktima at nangako si Mayor Tiangco na magbibigay ng mga kinakailangang tulong sa mga naulila ng mga biktima.

Agad na pinag-utos ng alkalde sa Navotas City Police na magsagawa ng masusing imbestigasyon at ng agarang mabigyan ng hustisya ang mga biktima at mahuli ang mga salarin.

Sa ulat ng pulisya, hindi na umabot ng buhay si Jhomarie Flores at ang anak nitong 9 na taong gulang sa Tondo Medical Center habang sugatan naman ang dalawa pa kabilang ang isang babae sa Bagong Kalsada St., Barangay Tangos South.

Dakong alas-8:00 ng gabi, naghahanda ng pagkaing paninda ang mga biktima ng pagbabarilin ito mula sa bintana ng isa sa dalawang suspek habang ang isa naman ay nakapuwesto sa pintuan ng bahay ng biktima.

Matapos ang insidente mabilis na tumakas ang mga salarin habang ang mga biktima ay itinakbo sa nasabing pagamutan subalit hindi na umabot ng buhay.

Mabilis na nagsagawa ng follow up operation ang pinagsanib na tauhan ng Navotas Police Tactical Motorcycle Riding Unit, Intel Section at Sub Station 2 subalit bigo ang mga ito na madakip ang mga suspek.

Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kung ano ang motibo sa pamamaril sa biktima. R.A Marquez