Pamangkin ng alkalde patay sa pamamaril

Pamangkin ng alkalde patay sa pamamaril

June 3, 2022 @ 4:12 PM 3 weeks ago


KORONADAL CITY – Patay ang pamangkin ng dating gobernador at ngayon ay alkalde matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek kamakailan sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Carl Ian Mangudadatu, 43-anyos, empleyado ng Provincial Security Unit Sultan Kudarat Capitol at residente ng Marvel Homes, Brgy. GPS, Koronadal City.

Batay sa report ng Koronadal City-PNP, dakong alas-7:45 ng gabi naganap ang krimen sa Sueno Village Barangay Morales, Koronadal City.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang motorsiklo at pagdating sa nasabing lugar bigla na lamang siyang hinarang ng suspek at pinagbabaril .

Tinamaan ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran niyang kamatayan habang mabilis na tumakas ang suspek.

Si Mangudadatu ay pamangkin ni dating Sultan Kudarat Governor at ngayon ay Lutayan Mayor Sultan Pax Mangudadatu.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa suspek. Mary Anne Sapico