‘Pambansang pabahay’ aarangkada na ngayong taon! – DHSUD

‘Pambansang pabahay’ aarangkada na ngayong taon! – DHSUD

January 2, 2023 @ 5:07 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Aarangkada na ngayong taon ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (PPPP) program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ang inanunsyo ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar nitong Lunes, Enero 2 kung saan sisimulan na sa unang bahagi ng taon, o kapag natapos na ang lahat ng documentary at legal requirements, para sa initial construction ng mid at high-rise buildings.

“I am optimistic that we can start with the construction of the projects with complete documentary and legal requirements in a few months,” ani Acuzar.

“And we expect to go full blast within the year.”

Mula nang ilunsad ang programang ito noong Setyembre ay nakakuha na kaagad ng interes mula sa 47 local government units sa buong bansa ang PPPP program, patunay ang mga pinirmahang Memoranda of Understanding ng mga ito sa DHSUD.

Layon ng PPP na makapagtayo ng isang milyong housing units kada taon sa susunod na anim na taon ng pamumuno ni Marcos upang matugunan ang lumalaking kakulangan sa disenteng tirahan.

Suportado naman ng ilang government financial institutions (GFIs) ang housing program na ito, katulad na lamang ng
Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund, na naglaan ng P250 bilyon para sa programa.

Kabilang din dito ang Land Bank of the Philippines, Government Service Insurance System, Development Bank of the Philippines at Social Security System.

Nakakuha rin ng suporta mula sa private developers’ group katulad ng Subdivision and Housing Developers Association Inc. (SHDAI), National Real Estate Association Inc. (NREAI) at Organization of Socialized and Economic Housing Developers of the Philippines OSEHDP) ang programang ito.

“Kailangan po nating magsama-sama at magtulung-tulong upang makamit ang pangarap ng ating mga kababayan na magkaroon ng sariling tahanan na disente, ligtas at abot kaya,” pagtatapos ni Acuzar. RNT/JGC