Pambubully ng China sa WPS, bawian sa POGO – Dela Rosa

Pambubully ng China sa WPS, bawian sa POGO – Dela Rosa

January 23, 2023 @ 4:28 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang pamahalaan na magpakita ng kapangyarihan sa operasyon ng
Philippine offshore gaming operators (POGOs).

Ito ay sa kabila ng ginagawa ng ibang bansa sa pinag-aagawang
West Philippine Sea.

“It’s about time (that) what we have to assert our supremacy over them,” pahayag ni Dela Rosa kasabay ng pagdinig ng Senado nitong Lunes, Enero 23 kaugnay sa operasyon ng POGO sa bansa.

“Kung hindi natin kaya yung supremacy nila sa West Philippine Sea, we are supreme here dito sa ating Pogo operations. Nandito sila sa ating bansa, nandito sila sa ating teritoryo di ba? I-assert natin yung ating supremacy over them,” dagdag pa niya.

Ipinunto ni Dela Rosa ang mga pahayag na ito sa mga opisyal ng
Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na dumalo sa pagdinig.

Bago nito, sinabi ni Dela Rosa na iniulat umano ng pulisya na wala nang naitatalang POGO-related crime, ngunit sa privilege speech ni Senador Grace Poe noong nakaraang buwan ay napag-alaman na mayroong bagong insidente ng kidnapping na may kinalaman sa POGO.

“Huwag kayong matakot hindi naman ito mga Pilipino e, mga dayuhan ito. Sabihan nyo, you’re here in our country you should respect us. Huwag nyong babuyin ang aming bansa, lalong lalo na pagdating sa public order,” sinabi ni Dela Rosa sa mga opisyal ng Pagcor.

“Hawakan nyo sila sa leeg, andito kayo sa amin. We are Pagcor, we are the ones regulating you. Ayaw nyong sumunod sa batas namin then sorry tapos na tayo, wala ng usapan. Ganun ang gawin ninyo,” dagdag pa ng senador.

Sagot naman ng opisyal ng Pagcor, ipinatawag na umano ng kanilang chairman na si Alejandro Tengco, ang lahat ng POGO at nagbabala na babawiin ang lisensya kung sila ay maiuugnay sa illegal na aktibidad.

Samantala, nakiusap si Dela Rosa sa Pagcor kung maaaring patalsikin na ang dalawang POGO firms, ang Brickhartz Technology Inc. at MOA Cloudzone Corp.— na di-umano ay konektado sa kidnapping incident na nauna nang isiniwalat ni Poe.

“Palayasin nyo na nyo yun dito. You don’t have business to be here in our country kung ganun ang ugali ninyo, ang sama ng ugali nyo.” RNT/JGC