Pamemeste ng daga, insekto ibinabala sa Central Luzon

Pamemeste ng daga, insekto ibinabala sa Central Luzon

February 11, 2023 @ 3:36 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ibinabala ng Department of Agriculture ang posibleng pamemeste ng mga daga at insekto sa mga lupain sa Central Luzon sa unang bahagi ng taon.

Sa abiso, sinabi ng Central Luzon office ng DA na posibleng atakihin ng mga dagang bukid ang mga pananim dahil na rin sa kakulangan ng mga predators nito, kabilang ang asynchronous farming, o pagpapatubo ng isang uri ng tanim na paborableng kondisyon para dumami ang mga daga.

Batay sa historical data, sinabi ng DA na posibleng makaapekto ang mga dagang bukid sa mga probinsya ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga at Tarlac.

Itinuturing ang daga na isa sa pinakamapaminsalang peste sa agrikultura sa bansa ayon sa kagawaran.

Sa kasagsagan ng lockdown sa COVID-19 noong 2020, naglaan ang San Luis, Pampanga ng P1 milyon pondo para sa “rat tail-for-money” program nito.

Maliban dito, nagbabala rin ang DA sa mga magsasaka ng pamemeste ng iba pang insekto tulad ng rice black bug, brown planthopper, rice stemborer, at bacterial leaf blight.

Maaari umanong mabawasan ng 15 hanggang 23% ang ani dahil sa mga pesteng ito. RNT/JGC