Pamilya Furigay pinagbabantaan; himirit ng dagdag-seguridad

Pamilya Furigay pinagbabantaan; himirit ng dagdag-seguridad

August 1, 2022 @ 9:34 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Humingi ng seguridad ang pamilya ni dating Lamitan mayor Rosita Furigay, na binaril-patay sa Ateneo de Manila University noong nakaraang linggo, dahil sa mga umanoy nakukuhang mga “threats of retaliation” o mga banta sa pagganti, sabi ng kanilang abogado.

Sinabi ni Atty. Quirino Esguerra, nakatatanggap ng mga pagbabanta ang biyudo at incumbent na si Lamitan Mayor Oric Furigay at ang kanyang pamilya matapos ang pamamaril sa Ateneo at sa lungsod.

“Kami ay nagpapahiwatig na kailangan talaga ng seguridad ni mayor pati ng kanyang pamilya dahil may natatanggap pa na text messages pati sa messenger na banta sa kanilang mga buhay po. Meron po na pagbabanta ng paghihiganti po,” ani Esguerra.

Matatandaang sumugod ang suspek na si Chao-Tiao Yumol sa graduation ceremony ng Ateneo de Manila noong Hulyo 24 at pinagbabaril ang mga biktimang sina Furigay, executive assistant nitong si Victor Capistrano, at Ateneo security guard Jeneven Bandiala.

Si Rolando Yumol, ang ama ng suspek, ay kamakailan lang nang pagbabarilin din sa labas ng kanyang tahanan sa Lamitan noong Biyernes ng umaga. Hindi pa nakikilala ang riding-in-tandem anang mga pulis.

Hindi naman direktang ikinonekta ng Philippine National Police ang pamamaril kay Rolando at sa kaso ng kanyang anak.

Ipinagtanggol naman ni Mayor Furigay ang kanyang pamilya laban sa mga paratang na nag-uugnay sa kanila sa pagkamatay ng nakatatandang Yumol.

“Kami ang biktima dito. Ang sa kanila, hindi natin alam kung ano ang nangyari,” he said. “Bakit ang nangyari sa kabila kami ang pinagbintangan? Hindi ba nila pwedeng antayin na lang ang imbestigasyon?”

Pinabulaanan din ni Kelsey Furigay ang mga pahayag ng suspek na ang kanyang namatay na ina ay konektado sa illegal drug trade at pagkamatay ng nakatatandang si Yumol. RNT