Pamilya ni Percy Lapid kay Bantag: Magpakita s’ya

Pamilya ni Percy Lapid kay Bantag: Magpakita s’ya

November 16, 2022 @ 4:52 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Hinamon ng pamilya ni Percival Mabasa nitong Miyerkules si suspended prisons bureau chief Gerald Bantag na sinilbihan ng subpoena kaugnay sa pagpatay sa veteran broadcaster.

“Sagutin niya ‘yung reklamo. Magpakita siya. Hindi pa naman ito warrant of arrest,” hamon ni Roy Mabasa, kapatid ng mamamahayag at tagapagsalita ng pamilya.

“Pinasasagot pa lang siya. Marami siyang puwedeng sabihin dito. Malay natin siya’y magsabi ng totoo at magsabi na meron pang ibang tao sa likod niyan,” dagdag niya.

Ipinag-utos ng Department of Justice na humarap si Bantag sa preliminary investigation hearings sa Nov. 23 at Dec. 5.

Nagbabala ang DOJ na ang hindi pagdalo sa preliminary investigation ay ituturing na waiver upang iprisenta ang kanyang depensa at isusumite na ang kaso para sa resolusyon.

Isinilbi ang subpoena sa huling natukoy na address ni Bantag sa Caloocan City. Naiulat na matagal na silang lumipat ng kanyang pamilya mula nang italaga bilang Bureau of Corrections director general.

Inihayag naman ni Atty. Rocky Balisong, legal counsel ni Bantag, na hindi pa nila natatanggap ang subpoena dahil kasalukuyan itong nasa Baguio City.

Hindi nagtatago si Bantag mula sa mga awtoridad at handang sagutin ang lahat ng alegasyon laban sa kanya, ayon kay Balisong.

Pinatay sa pamamaril si Percival Mabasa, na kilala bilang “Percy Lapid” sa kanyang programa, sa Muntinlupa City noong Oktubre 3.

Si Bantag ang itinuturong mastermind kasama ang kanyang deputy security officer na si Ricardo Zulueta. RNT/SA