Pamilya ni Ranara, tutulungan ni PBBM

Pamilya ni Ranara, tutulungan ni PBBM

January 30, 2023 @ 7:08 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpapaabot ito ng tulong sa pamilya ng OFW na si Jullebee Ranara, 35 taong gulang na kasambahay na pinaslang at sinunog sa Kuwait ng kaniyang tinedyer na amo.

“I just wanted to offer my sympathies to the family and to assure them that all the assistance that they might need… for the family and for whatever else, ang pangako ko sa kanila. Kaya naman nagsakripisyo ang anak nila na magtrabaho sa abroad ay dahil may mga pangarap siya para sa kanyang pamilya,” ayon sa Pangulo.

“Kaya’t sinabi ko dahil nawala na ‘yung anak ninyo kami na lang ang tutupad ng pangarap ninyo. Lahat ng assistance na puwede naming ibigay, ibibigay namin,” dagdag na wika ng Pangulo.

Kaninang tanghali, nagpunta ang Pangulo sa lamay ni  Ranara sa Las Piñas City, sinabi nito na ang gobyerno ng Pilipinas ay nagtatakda na ng  bilateral meetings sa Kuwait para repasuhin ang  Bilateral Labor Agreement (BLA) upang mas lalong maprotektahan ang  overseas Filipino workers (OFWs) kasunod ng pagpatay kay Ranara di umano ng anak ng kanyang amo.

“We are also scheduling bilateral meetings with Kuwait to look at the agreement that we have to see if there are any weaknesses in the agreement that allowed this to happen and to make sure that those weaknesses are remedied so that the agreement is stronger and… will be more supportive of our workers,” ayon sa Pangulo.

Sa kabilang dako, kasama ng Pangulo sina  Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople, Senator Mark Villar, Las Piñas City Representative Camille Villar, at iba pa.

Samantala, sa ulat, isinasailalim na sa awtopsiya ng mga forensic expert ng National Bureau of Investigation (NBI) ang labi ng OFW na si Jullebee Ranara, na pinaslang at sinunog sa Kuwait ng kaniyang tinedyer na amo.

Makaraang duma­ting sa bansa ang labi ni Ranara, agad na nagtu­ngo ang NBI forensic team sa punerarya sa Bacoor, Cavite na pinagdalhan sa bangkay.

Layon ng awtopsiya na masuri ang tinamong panloob at panlabas na pinsala sa katawan ng Pilipina para matukoy ang mga sirkumstansya na dahilan ng kaniyang pagkasawi.

Inaasahan naman na matatapos ang “histopathology at general toxico­logy examinations” sa mga sampol na tisyu sa loob ng dalawang linggo.

Nabatid na duma­ting sa bansa ang labi ni Ranara nitong Biyernes ng gabi at mismong ang pamilya niya ang humi­ling sa NBI na isailalim sa awtopsiya ang bangkay.

Natagpuan sa isang disyerto sa Kuwait ang labi ni Ranara na sinunog. Itinuturo ang 17-taong gulang na lalaking amo ng biktima na siyang suspek sa pagpaslang at sinasabing panggagahasa sa OFW. Kris Jose