Pamilya niratrat; mister patay, mag-ina sugatan

Pamilya niratrat; mister patay, mag-ina sugatan

January 5, 2023 @ 9:01 AM 3 weeks ago


MAGUINDANAO- PATAY ang isang mister habang sugatan ang limang iba pa kabilang ang kanyang mag-ina matapos silang tambangan at pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang armadong kalalakihan kahapon ng hapon sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Kinilala ang namatay na si Junior Sumlay, 42 anyos, habang patuloy naman ginagamot sa ospital ang kanyang 1-anyos na anak at misis na si Fatima Sacaria Sumlay, 42, at kanilang pinsan na si Guiaria Alamada Mohamad, 28-anyos, Jaliha Panalangan, at Norhaya Zacaria, lahat ay pawang residente ng bayan ng Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur.

Batay sa report ng Datu Saudi Ampatuan-PNP, dakong 1:50Pm naganap ang krimen sa Barangay Lower Salbu Datu Saudi Ampatuan, ng naturang lalawigan.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Roel Sermese , sakay ng kulay pula na multicab ang mga biktima at binabaybay ang nasabing lugar ng bigla na lamang silang tambangan at pagbabarilin ng mga suspek.

Tinamaan sa ulo si Junior na naging sanhi ng agaran niyang kamatayan habang dinala naman sa ospital ang 5 para lapatan ng lunas ang tinamo nilang sugat.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran ikadarakip sa mga ito. Mary Anne Sapico