Pamilyang nagparty-party habang nasa EECQ ang Navotas, kinasuhan na

Pamilyang nagparty-party habang nasa EECQ ang Navotas, kinasuhan na

July 7, 2020 @ 10:55 AM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Pormal nang kinasuhan ng pulisya ng Navotas ang pamilyang nagparty-party at kalauna’y natuklasang positibo pala sa coronavirus disease (COVID-19) habang nasa ilalim ang lungsod sa extreme enhanced community quarantine (EECQ) noong Mayo.

Nakasaad sa reklamong isinampa sa Navotas City Prosecutor’s Office noong Hulyo 1, ang ginawang paglabag ng nasabing pamilya sa Article 151 ng Revised Penal Code, Section 9 ng Republic Act 11332 o Law on Reporting of Communicable Diseases, RA 9271 o Quarantine Act of 2004, at Omnibus Guidelines on the Implementation of Community Quarantine.

Sinabi ni Mayor Toby Tiangco na umaabot sa 17 residente ng H. Monroy St. sa Brgy. Navotas West angisinama rin sa reklamo dahil sa pagsuway sa pagbabawal sa social gatherings sa ilalim ng EECQ nang dumalo sa nasabing party noong Mayo 14.

Isinailalim sa EECQ ang buong Navotas mula Mayo 6 hanggang Mayo 15.

Mula naman 5:01 a.m. ng Hunyo 11 hanggang 11:59 p.m. ng Hunyo 24 ay isinailalim sa lockdown ang H. Monroy St. matapos 14 residente ang nagpositibo sa virus.

Sa 14 na kaso, anim ang natuklasang dumalo sa nasabing birthday party ng isa sa mga miyembro ng pamilyang nakumpirmang positibo sa COVID-19.

“Sa pagsasawalang-bahala ng pamilya sa ipinatutupad na safety regulations, inilagay nila sa panganib ang kanilang buhay pati na ang buhay ng lahat ng mga nakatira sa H. Monroy. Dahil sa kawalan nila ng pag-iingat, nabalewala ang ating pagsisikap na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at pagsisiguro na ligtas ang ating mamamayan,” ani Tiangco.

“Sana magsilbi itong mahigpit na babala sa mga sumusuway. Kahit hindi namin kayo naaktuhan, sasampahan namin kayo ng kaso pag napag-alaman sa imbestigasyon na lumabag kayo sa quarantine order,” ani Tiangco. Merly Iral


  •  
  •  
  •  

Loading...