Pamilyang Pilipino, sisirain ng diborsyo

Pamilyang Pilipino, sisirain ng diborsyo

July 5, 2022 @ 2:24 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nanindigan si Father Jerome Secillano, Executive Secretary ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines Public Affairs Committee na lalong makasisira sa pundasyon ng pamilya ang diborsyo.

Ang reaksyon ng Pari ay kasunod ng muling paghain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng panukalang diborsyo o House Bill No. 78 o “Absolute Divorce Act”ni Albay Representative Edcel Lagman sa paniniwalang ang diborsyo ay karapatan ng kababaihan.

“It’s unfortunate that some legislators would rather focus on breaking marriages than fixing them or strengthening marital bond,” pahayag ni Fr. Secillano sa panayam ng Radio Veritas.

Giit ng opisyal ng Simbahan, dapat pagtuunan ng mga mambabatas ang mga programang makatutugon sa tunay na suliranin ng bansa tulad ng kahirapang pinalala ng pandemya at iba’t ibang suliraning labis ang epekto sa ekonomiya.

Hindi aniya makatarungang unahin ng mga opisyal na halal ng bayan ang mga batas na sumisira sa pamilya sa halip na pagbuklurin at tulungang makabangon sa kahirapang naranasan.

Magugunita sa 17th Congress isinulong din ang Absolute Divorce ngunit nabinbin sa Senado, muling isinulong ni Lagman sa 18th Congress subalit nanatili lamang sa Committee on Appropriations kung saan naitala ang huling deliberasyon ng House Technical Working Group noong Marso 2020.

Mariing tinututulan ng simbahan kasama ang pro-life groups ang panukalang diborsyo na kabilang sa DEATH Bills sapagkat labag ito sa kautusan ng Panginoon lalo na sa pagpapatibay sa pundasyon ng pamilya.

Naniniwala ang Pari na ang hakbang sa muling pagsusulong ng dibosryo ay pagsasantabi sa higit na pangangailangan ng mga Pilipino at pabor lamang sa ilang indibidwal na nagsusulong nito.

“The unreasonable penchant of these legislators to the divorce bill while we are reeling from economic devastation tells me that it’s no longer about helping Filipinos rise up from economic poverty but a matter of pride and subservience to whoever is behind this measure,” ayon pa kay Fr. Secillano.

Sa kasalukuyan bukod tanging sa Pilipinas at Vatican City lamang nanatiling iligal ang diborsyo. Jocelyn Tabangcura-Domenden