Pamimigay ng ECQ cash aid sa P’que umarangkada na

Pamimigay ng ECQ cash aid sa P’que umarangkada na

April 8, 2021 @ 10:36 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang distribusyon ng ayuda para sa mga apektadong pamilya bunsod ng pagsasailalim ng NCR Plus sa enhanced community quarantine.

Nasa 1,800 na benepisyaryo agad ang nabigyan ng ECQ cash aid sa Barangay Vitalez.

Nagpasalamat naman si Mayor Edwin L. Olivarez sa pondong inilaan ng national government sa syudad.

“Ang lokal na pamahalaan ay nagparating ng sinserong pasasalamat sa nasyonal na gobyerno sa tamang pagkakataon ng pamamahagi ng ayuda sa aming konstituwente. Ito ay nakatulong sa aming pinagsama-samang pagsisikap upang maibigay sa kanila ang serbisyo publiko ngayong panahon ng pandemya,” ani Mayor Edwin L. Olivarez.

Base sa guidelines na inisyu ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND) at Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay ang mga napapabilang sa may low-income na pamilya at vulnerable sector na makatatanggap ng P1,000 bawat indibidwal na hindi lalampas sa P4,000 kada pamilya.

Ginamit ng lokal na pamahalaan ang dati nilang database na galing sa DSWD Social Amelioration Program (SAP) 1, 2, pati na rin ang mga waitlisted, Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at TODA/PODA bago mapabilang sa listahan ng benepisyaryo sa bawat barangay ang 155,000 households sa buong lungsod.

Sa panig naman ni DSWD Secretary Rolando Joselito D. Bautista, kanyang pinapurihan ang lokal na pamahalaan ng Parañaque sa agarang pagpapatupad ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Aming pinapupurihan ang lokal na pamahalan ng Parañaque sa agarang pagsunod sa direktiba at maitaguyod ang layunin ng Duterte administration para maipamahagi ang kinakailangang ayuda ng bawat naapektuhang sector,” ani Bautista.

Ang guidelines ay nagbibigay rin ng daan para sa pagbuo ng Grievance and Appeals Committee na aakto at sasagot sa kahit anomang iregularidad sa distribusyon o concern ng mga benepisyaryo. Itinatatag din ang barangay at city-level grievance team na pinangunahan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), Social Services Office (SSO), City Legal Office (CLO) at ng Data Protection Officer (DPO).

Ayon naman kay Business Permit and Licensing Office (BPLO) at DPO chief Atty. Melanie T. Soriano-Malaya ay inihanda na ng lokal na pamahalaan ang lahat ng requirements at issuances na makatutulong sa kanilang local staff gayundin sa mga benepisyaryo ng ayuda.

“Nagtalaga na rin kami ng onsite Grievance and Appeals Help Desk gayundin ang paggamit ng mekanismo ng online tulad ng website at social media para sa usaping ito. Ngunit ang pinakamahalaga, maima-manage nito ang kasalukuyang sitwasyon upang mahigpit na ipatupad ang implementasyon ng health at safety protocols sa panahon ng aktwal na distribusyon) ani Soriano-Malaya.

Noong Abril ng nakaraang taon, ang lungsod ng Parañaque ay isa sa mga pilot LGUs para sa distribusyon ng emergency subsidies sa ilalim ng Special Amelioration Program (SAP) ng gobyerno pati na rin ang cash aid run sa taong kasalukuyan.

Inihayag din ng lokal na pamahalaan na ang iskedyul sa distribusyon ng ayuda sa mga natitirang barangay ay ipagpapatuloy sa mga darating na araw.

Kabilang sa mga dumalo sa ceremonial distribution ay sina DILG Undersecretary Jonathan E. Malaya, Congressman Eric Olivarez, Vice Mayor Rico Golez, City Administrator Fernando “Ding” Soriano, namumuno sa Joint Monitoring Inspection Team and DILG Director John Visca at Barangay Vitalez Captain Alex Alvarez.

Para sa karagdagang detalye ay maaaring bumisita sa opisyal na website ng lungsod na paranaquecity.ph o dili kaya ay mag-email sa [email protected] James I. Catapusan


  •  
  •  
  •