Pamimirata sa Pinoy nursing students ikinabahala

Pamimirata sa Pinoy nursing students ikinabahala

January 23, 2023 @ 5:37 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkabahala ang Philippine Nurses Association nitong Lunes, Enero 23 sa di-umano ay pamimirata sa mga Filipino nursing students ng ilang bansa sa Europa.

Ayon kay PNA president Melvin Miranda, agresibo ang ilang European countries na kumuha ng Filipino nursing students kapalit ang scholarship grants.

“We truly support the internationalization. However, we need to safeguard the implementing rules and regulation. That’s why we are calling for a dialogue or certainly a discussion on this matter since this is very alarming,” pahayag ni Miranda sa panayam ng ANC.

Sa ulat, nag-aalok ang ibang bansa ng magandang sahod sa mga estudyante kapag nakatapos ng pag-aaral kasama ang tuition at matutuluyan.

Samantala, sa Pilipinas, naglalaro sa pagitan ng P9,000 hanggang P15,000 ang sahod sa mga nurse sa pribadong ospital at P33,000 naman sa pampublikong ospital para sa entry-level nurses.

Sa press briefing noong nakaraang linggo, sinabi ni Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na hindi maiiwasan ng pamahalaan ang pag-alis ng bansa ng mga healthcare workers dahil sa mas mataas na kita at mas produktibo pa.

Dahil dito ay nagbigay ng suhestyon ang ahensya na gawing standardized ang sahod ng mga nurse sa pampubliko at pribadong ospital. RNT/JGC