PAMPANO, PINK SALMON INALIS SA MGA  PALENGKE?

PAMPANO, PINK SALMON INALIS SA MGA  PALENGKE?

December 3, 2022 @ 12:30 AM 2 months ago


SA tuwing magtutungo kami sa palengke ng Blumentritt upang mamili ng mga isda at karne, hindi nawawala ang masustansiyang puting pampano, pink salmon at salmon head na masarap at malinamnam kapag iniluto na sinigang.

Kung minsan, napakasarap ding ihawin ang salmon head na halos nagmamantika na sa sustansiya kapag malapit nang maluto, pero mukhang hindi na yata masisilayan sa mga palengke simula sa Disyembre 4 ang ganitong uri ng isda.

Paano kasi, magsisimula na raw ang mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na kumpiskahin sa mga palengke ang ganitong mga uri ng imported na isda dahil inaangkat pala ito para ilaan sa mga kompanyang gumagawa ng sardinas at sa mga malalaking restaurant at hotel sa bansa.

Gagawin ng BFAR ang pagkumpiska sa mga pompano, pink salmon at salmon head sa mga palengke dahil nabuking sila ng Tanggapan ng Ombudsman na hindi pala nila tinutupad ang kautusan na sila rin ang gumawa, mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas.

Katunayan, sinabihan na ng mga opisyales ng BFAR ang mga tindera sa mga palengke na hanggang Disyembre 3 na lang sila puwedeng magtinda ng mga kahalintulad na imported na isda dahil kukumpiskahin na nila ito simula Disyembre 4.

Ano nga ba itong kautusan ng BFAR na sumasaklaw sa kautusan ng pagkakaroon ng regulasyon sa pag-aangkat ng mga imported na pink salmon at pompano?

Ito po iyong Administrative Order No. 195 na kanilang ipinalabas noon pang taong 1999 na naglilimita lamang sa pagbebenta ng mga inangkat na isda tulad ng pink salmon at pompano na para lang nga sa  malalaking kompanya, hotel at restaurant.

Ang kaso, halos lahat ng palengke sa Metro Manila ay may nagbebenta ng pink salmon, pampano at salmon head kaya malinaw na sa loob pala ng mahabang panahon ay hindi naipatutupad ng BFAR ang kautusan na sila rin ang gumawa.

Dahil dito, naglabas ng kautusan si Ombudsman Samuel Martirez nito lamang Nobyembre 25 na nag-aatas sa kanilang imbestigador na simulan ang pagsisiyasat sa mga opisyal at tauhan ng BFAR na hindi ginagawa ang kanilang trabaho.

Ang tanong nga ng mga Maritess ay kung may ganansiya raw ba ang ilang opisyal ng BFAR sa hindi panghuhuli o pagkumpiska sa mga imported na pink salmon at pampano na nagkalat sa halos lahat ng palengke sa Kamaynilaan?

Marami namang mga ordinaryong consumer  ang nanghihinayang dahil baka hindi na nila matikman pa ang masustansiyang pink salmon at pampano sa darating na Pasko at sa mga susunod pang mga araw dahil tiyak na mawawala na ang mga ito sa mga palengke o kung may magpalusot man, tiyak na ginto na ang presyo nito.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.