Pampasabog natagpuan sa Navotas

Pampasabog natagpuan sa Navotas

May 16, 2022 @ 12:37 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Natagpuan ang isang pampasabog o hand grenade matapos aksidenteng mahukay sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Sa nakarating na ulat kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-10:20 ng umaga nang madiskubre ni Marcelino Estrada, 46, ng  Kapitbahayan St., Brgy. NBBS Kaunlaran ang isang hand grenade Fragmentation MK2 (High Explosive) sa Lapu-Lapu St., sa naturang barangay.

Lumabas sa imbestigasyon ni PCPL Billy Godfrey Aparicio, nagbubungkal ng lupa si Estrada sa naturang lugar malapit sa tulay para magtanim ng gulay nang aksidente niyang mahukay ang nasabing granada.

Agad niyang ipinaalam sa mga tauhan ng Navotas Police Kaunlaran Sub-Station 4 ang natuklasan na sila namang humingi ng tulong sa Explosive Ordnance Disposal (EOD).

Rumesponde sa naturang lugar ang mga tauhan ng EOD sa pangunguna ni PEMS Amadeo Ponpon kung saan ligtas nilang narekober para sa safekeeping ang granada na kinakalawang na subalit, buo pa ito. Boysan Buenaventura