Batangas – Hindi umano pinondohan ng Department of Budget and Management (DBM) ang ngayon ay nakatiwangwang na gusali para sa pampublikong hospital na pakikinabangan dapat ng tatlong bayan sa Batangas.
Ayon kay Dr. Melanio Ramir Beloso, Municipal Health Officer ng Mabini, Batangas, ang konstruksyon ng Mabini Community Hospital sa Brgy. Niogan, Mabini, Batangas ay sinimulan noong 2012 ngunit natigil ito dahil sa kakulangan ng pondo.
Dagdag pa nito na inilapit na ng lokal na pamahalaan ng Mabini, Batangas ang problema sa Department of Health (DOH) subalit tinapyas ito sa original na P140 milyon budget na hinihingi sa DBM pero P3 milyon lamang ang inaprubahan.
Sa ginawang inspeksyon ng Regional Director ng Department of Health (DOH)-CALABARZON (Cavite Laguna Batangas Rizal Quezon) na si Dr.Eduardo Janairo, tiniyak nito sa local government ng Mabini, Batangas na tutulong sa pagpapatayo upang magamit at mapakinabangan.
Sa oras naman na matapos ang konstruksyon ng gusali ng Mabini Community Hospital ay makikinabang ang tatlong bayan kabilang ang Mabini, Bauan at Tingloy.(JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN)