Pamuhunan sa renewable energy dadami sa pagkalos ng foreign ownership cap

Pamuhunan sa renewable energy dadami sa pagkalos ng foreign ownership cap

October 6, 2022 @ 10:04 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umaasa si Senador Win Gatchalian na dadami ang mamumuhunan sa renewable energy o RE kasunod ng paglabas ng opinyon ng Department of Justice o DOJ na ang mga likas na yaman tulad ng solar, wind, hydro at ocean o tidal energies ay hindi sakop ng limitasyon ng konstitusyon sa foreign ownership.

“Ang pagtanggal ng 40% foreign ownership cap ay isang game-changer. Inilalagay nito ang bansa sa tamang daan upang makaakit tayo ng mga investors para lalo tayong makapagtatag ng mas maraming renewable energy facilities na makakatugon sa mga isyu ng climate change at pagtaas ng presyo ng langis sa gitna ng patuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine,” sabi ni Gatchalian.

Binigyang-diin niya na kapag nawala ang limitasyon ng foreign ownership ay lalo pang mapagtitibay ang paggamit ng mga renewable energy facilities sa bansa na inaasahang magpapababa sa presyo ng kuryente at makakahikayat ng mga trabaho sa mga komunidad kung saan itatatag ang mag renewable facilities na ito.

Ayon kay Gatchalian, na siyang vice chairman ng Senate Committee on Energy, ang kawalan ng limitasyon sa pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga pasilidad ng renewable energy ay susuporta din sa pinakabagong desisyon ng Department of Energy o DOE na taasan ang porsyento ng paggamit ng RE sa mga on-grid areas mula sa 1% hanggang 2.52% simula 2023. Ito aniya ay makakatulong na mabawasan ang pagiging dependent ng bansa sa fossil fuel at coal-based power plants.

Sa ngayon, may kabuuang 998 RE contracts na katumbas ng humigit-kumulang Php270 bilyon na investments na aprubado ng DOE. Ang mga naturang kontrata ay may kapasidad na 5,460 megawatts at potensyal na kapasidad na 61,613.81MW.

Ayon kay Gatchalian, ang anumang pagtaas sa paggamit ng RE ay maaari ding mapahusay ang pagbuo ng iba pang renewable energy sources na hindi pa nagagamit sa bansa tulad ng ocean o tidal energy, green hydrogen, off-shore wind, at iba pa.

“Ang anumang mapagkukunan ng enerhiya sa loob ng bansa ay magiging malaking tulong sa mga consumers at sa ating ekonomiya. Ito ay lalong kritikal ngayong nakakaranas tayo ng pabago-bagong presyo ng enerhiya na maaaring makapigil sa paglago ng ating ekonomiya,” dagdag ni Gatchalian. Ernie Reyes