Pamunuan ng Igorot Stone Kingdom kinasuhan ng LGU

Pamunuan ng Igorot Stone Kingdom kinasuhan ng LGU

November 11, 2022 @ 11:59 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinampahan na ng kaso ng local government unit (LGU) ng Baguio City ang pamunuan ng isang pasyalan sa lungsod na Igorot Stone Kingdom.

Ito ay dahil umano sa paglabag sa Presidential Decree 196 o National Building Code of the Philippines.

Matatandaan na ipinasara na rin ni Mayor Benjamin Magalong ang Igorot Stone Kingdom kamakailan dahil sa kakulangan ng maipakitang papeles.

“Titingnan namin kung ano yung desisyon ng Korte, kasi finile-an na namin ng criminal case eh,” sagot naman ni Magalong sa tanong ng TeleRadyo kung may pag-asa pang mabuksan ulit ang naturang pasyalan.

“Wala siyang building permit. Nagtayo siya ng structures nang hindi dumaan sa tamang proseso. At alam mo, potentially unsafe yan eh specially erosion, prone sa erosion yung lugar niya,” dagdag pa niya.

Dagdag ni Magalong, ilang beses na palang binigyan ng pagkakataon ang pamunuan ng Igorot Stone Kingdom para ayusin ang kanilang mga dokumento maging ang istruktura ay hindi ito nakipag-tulungan.

“Nung pinuntahan namin, sabi ko hindi kita isasara kasi nakakatulong ka sa tourism, pero you have to work on your, yung conversion ng–kasi residential yun…so namomroblema kami sa traffic,” anang alkalde.

“So despite the fact na napakabait ko na sa kanya, maayos siya nakipag-usap ako sa kanya, tapos binastos kami ngayon na nagtayo na lang siya ulit ng additional na structures, ilang beses siya bibigyan ng notice of violation, tatlong beses na siyang binigyan ng notice ng violation, apat na yung tinatayo niyang mga structures, ano na lang kung may nangyari?,” dagdag pa niya. RNT/JGC