Pamunuan ng mga tollway, naghahanda na sa Holy Week

Pamunuan ng mga tollway, naghahanda na sa Holy Week

April 5, 2022 @ 7:45 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Naghahanda na ang mga pamunuan ng tollways para sa inaasahang buhos ng mga uuwi sa probinsya para sa Semana Santa sa susunod na linggo.

Ayon sa Metro Pacific Toll Corporation, aabot sa daan-libong motorista ang inaasahan nilang daraan sa mga toll plaza.

Para iwas-abala, pinayuhan ng MPTC ang mga motorista na magpakabit na ng radio frequency identification (RFID) sticker at tiyaking may laman ito.

Tiniyak naman ng MPTC na patuloy nilang trinutugunan ang mga isyu sa RFID system gaya ng hindi mabasang stickers na kadalasang inirereklamo ng mga motorista.

“During the course of the last three or four months ‘yung improvements na nilagay natin sa toll collection system kagaya ng antenna, ang tawag namin ‘yung advance reading, ‘yung malayo ka pa lang sa barrier tumataas na ang barrier,” ani NLEX Corporation President Luigi Bautista.

“Sa dami ng gumagamit ng expressway natin, medyo na-clog ‘yung database so nag-improve na tayo ng servers.”

Sabi pa ni Bautista, nagdagdag na rin sila ng toll servers para sa Holy Week.

“’Yung lane assist sa tollways magkaproblema man tayo sa lane may tutulong sa kanila,” dagdag niya.

Pansamantala rin munang ititigil ang mga ginagawang kalsada sa kahabaan ng mga expressway para iwas traffic at abala. RNT/ JCM