PANAWAGAN NG NWRB SA MA-BAGYONG BUWAN NG SETYEMBRE, INAASAHAN NG PAGASA

PANAWAGAN NG NWRB SA MA-BAGYONG BUWAN NG SETYEMBRE, INAASAHAN NG PAGASA

September 7, 2022 @ 8:04 PM 4 weeks ago


HANGGANG tatlong bagyo ang inaasahan ng PAGASA o Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration na papasok sa PAR o Philippine area of responsibility ngayong buwan ng September 2022.

Paglilinaw ng PAGASA, hindi pa kabilang si Super Typhoon Henry o “Hinnamnor” sa mga bagyong inaasahan ngayong buwan dahil ito ay nabuo at pumasok sa PAR nitong August 30, 2022.

Bagamat hindi tumama sa kalupaan ng bansa ang bagyo, pinalakas naman nito ang Habagat kung kaya naging maulan sa halos buong Luzon at Metro Manila nitong nagdaang Biyernes, Sabado at Linggo.

Kaya sabi ng weather bureau, asahan ang maulang buwang ito na maaaring magdulot ng pagbaha at landslides sa mga bulubunduking bahagi ng Luzon.

Kaugnay nito ay nagpaalala si NWRB o National Water Resources Board executive director Dr. Sevillo David sa publiko na samantalahin ang pagbuhos ng malakas na ulan sa kanilang mga lugar at mag-ipon ng rain water na maaaring magamit sa mga pang-araw-araw na pangangailangan katulad ng panglinis ng bahay at kotse, pambuhos sa banyo, at iba pa.

Batay sa dam elevation level monitoring ng MWSS o ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System, bagamat sunod-sunod ang pag-ulan sa Mero Manila, hindi naman ito direktang bumubuhos sa Angat Dam kung kaya’t mababa ang elebasyon ng tubig.  

Base sa dam elevation level kahapon, ika-6 ng Setyembre 2022, ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay nasa 177.19 meters, mas mababa ng 2.81 meters, kung ikukumpara sa minimum operating level na 180 meters. Mas lalo pang bumaba sa normal high-water level (NHWL) na 210 meters. 

Hinikayat din ni executive director David ang mga magpapagawa o magpapatayo ng bahay na ikunsidera na ang paglalagay ng rain water harvesting para matiyak na malinis ang tubig ulan na maiipon at magagamit sa kanilang mga tahanan.

Ang rain water harvesting ay bahagi ng adoption and resiliency sa climate change and global warming na nararanasan na ng kasalukuyang henerasyon.