Panawagan ni Salceda na mabilisang ayuda sa mga mahirap, tinugunan kaagad ng DSWD

Panawagan ni Salceda na mabilisang ayuda sa mga mahirap, tinugunan kaagad ng DSWD

June 13, 2022 @ 12:41 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ibibigay agad ngayong buwan ang tig-P500 ayuda para sa mahihirap na pamilya, bilang tugon sa panawagan ni House Ways and Means Chairman. Albay Rep. Joey Sarte Salceda na kaagad silang tulungan.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, mapapasakamay ng mahihirap na pamilya ang tatlong-buwang ayudang ipinangako ni Pangulong Duterte bago matapos ang kasalukuyang buwan.

Sinabi rin ni Dumlao na ang ‘memorandum circular’ para sa naturang tulong ay pirmado na ng mga ahensiyang sangkot doon at may 12.4 milyong pamilya sa bansa ang mabibiyayaan nito.

Nauna nang nanawagan si Salceda sa mga ahensiya ng gobyerno na diretsong nangangasiwa sa pagtulong sa mahihirap na madaliin nila ang pamumudmud ng mga ayudang hindi pa naibibigay dahil umabot na sa 5.4% ang ‘inflation’ o pagtaas ng presyo ng mga bilihin noong Mayo mula sa 4.9% noong Abril, batay sa mga datos ng Philippine Statistics Authority.

Inaasahang patuloy itong tataas habang nananatili ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

“Naniniwala ako na ang mahihirap ang higit na nasasaktan nito. Ang ‘inflation rate’ sa pinakamahirap na 30% ng populasyon ay umabot na sa 4.3%, samantalang 3.5% lamang ito sa pangkalahatan mula sa taong nagdaan,” diin ni Salceda, na isang respetadong ekonomista.

Ipinangako niyang makikipag-ugnayan siya sa kinauukulang mga ahensiya upang mabilis ang pamimigay ng ipinangakong P500 buwanang ayuda na pinagtibay sa halip na suspendihin ang ‘excise taxes’ sa gasolina. Ayon sa kanya ang kaagad na epekto ng ‘inflation’ sa mga mahirap ay sa nutrisyon at kalusugan nila.

Ipinaliwanag ng mambabatas na ang dagdag na “500 kilocalories” araw-araw ay katumbas ng “’2-percentage-point increase in real gross domestic product per capita,’ na sapat nang tugunan ang kakulangan sa pabahay sa bansa.”

Ayon kay Salceda, malaki ang maitutulong sa paglutas ng suliraning ito ang pagtatanim ng mga kakaning halaman sa mga lalawigan.

Ipinanukala din niya na makipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga pribadong negosyong mayroong malaking “seasonal food surplus” na makakatulong sa pagtugon sa nutrisyon ng mahihirap, kung saan makakatulong din ang ayuda sa ibang sektor gaya ng ‘public transport’ at agrikultura.

“Dahil nga sa ang dahilan ng pagtaas ng mga bilihin ay mula sa labas ng bansa, wala tayong gaanong magagawa kundi unawain ito at pakibagayan. Kaya nga kailangang magtanim at umani tayo ng higit na murang makakain,” paliwanag ng kongresista.

“Isa ito sa maselang mga dahilan kung bakit napakahalaga ang tamang pagpili ni President-elect Ferdinand Marcos Jr sa iluluklok niyang Agriculture Secretary dahil sa matinding ‘inflation’ na kakaharapin natin sa susunod na mga buwan,” dagdag pa nito.

Mahigit 180,000 drayber at operator ng mga PUV o pampublikong mga sasakyan ang tumanggap na ng P6,500 subsidiya sa gasolina sa ilalim ng programang Pantawid Pasada nitong ika-1 ng Hunyo. RNT