Panawagang education crisis ni Robredo, tinutulan ni Briones

Panawagang education crisis ni Robredo, tinutulan ni Briones

July 13, 2021 @ 8:19 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Mariing tinutulan ni Education Secretary Leonor Briones ang panawagan ni Vice President Leni Robredo na magdeklara ng krisis sa edukasyon sa bansa.

“Ang question is I don’t know who should judge whether we have crisis in education or not. Who should judge that we have a crisis education or not? Kung sabihin natin na may crisis education, saan galing ang crisis education after 123 years? After 47 secretaries of Philippine education, after seven secretaries of education, who refused in the international assessment?” giit ni Briones sa Cabinet briefing.

Ayon sa kalihim, siya lamang ang kalihim na pumayag na lumahok ang bansa sa Program for International Student Assessment (PISA) na ginamit na basehan ng World Bank upang suriin ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas kung saan nakatanggap ng mababang marka.

“Malaki, halos isang bilyon ang inutang natin in dollars para sa edukasyon so kasali din sila sa nangyari sa edukasyon,” punto ng DepEd chief.

Iginiit din ni Briones na hindi nito pinabubulaanan ang datos ng World Bank ngunit aniya kulang ito.

Sinabi pa ng kalihim na sa loob ng 123 taon ng DepEd dapat hindi lahat ito isisi sa administrasyong Duterte.

Humingi na ng paumanhin ang World Bank sa DepEd sa pagsasapubliko ng datos nang hindi isinasama ang inputs mula sa kagawaran. RNT/ELM