Panawagang pagbasura sa Rice Tariff Law, binubusisi ng DA

Panawagang pagbasura sa Rice Tariff Law, binubusisi ng DA

July 22, 2022 @ 7:39 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – PINAG-AARALAN ngayon ng Department of Agriculture na kasalukuyang pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga panawagan para sa pagpapawalang-bisa sa Rice Tariffication Law, sinabi ni Undersecretary Kristine Evangelista.

Sa isang panayam sa media, sinabi ni Evangelista na tinitingnan din ng DA ang iba pang mga programa na hindi gumagana.

Sinabi ng mga kritiko ng RTL na nabigo ang batas na mapababa ang halaga ng bigas at lalong nagpahirap sa buhay ng mga lokal na magsasaka dahil sa pagpasok ng mas murang importasyon.

“Ito po ay patuloy na pinag-aaralan po ng kagawaran, tinitingnan natin ang epekto ng RTL sa ating mga producer at ating mga consumers din,” ani Evangelista.

“Ito po ay ating tinutuunan ng pansin at pinag-aaralan nating mabuti kung ano pa ang mga programa na dapat nating ipatupad para mas makatulong pa sa ating magsasaka,” sinabi pa nito.

“Kaya binibigyan namin ang aming sarili ng mga deadline at ang taong ito ay napakahalaga, ang natitirang mga buwan ng taon,” dagdag niya.

“Inaasahan tayong magiging mas matatag bilang isang departamento upang makapag-adjust din sa mga pangangailangan ng ating mga stakeholder,” sabi ni Evangelista.

Nauna rito nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2019 ang RTL na nag-alis ng quantitative restrictions sa bigas at nagpataw ng 35-percent tariff sa mga import mula sa mga kapitbahay ng bansa sa Southeast Asia.

Pinahihintulutan ng panukala ang walang limitasyong pag-angkat ng bigas hangga’t ang mga negosyante ng pribadong sektor ay nakakuha ng phytosanitary permit mula sa Bureau of Plant Industry at nagbabayad ng 35-porsiyento na taripa para sa mga padala mula sa mga kapitbahay sa Southeast Asia.  Santi Celario