PANDAY PIRA BUHAYIN

PANDAY PIRA BUHAYIN

December 7, 2022 @ 11:20 AM 2 months ago


MAALAALA pa ba ninyo, mga Bro, ang sinasabi ng ating kasaysayan na malalaking kanyon ang ginamit ni Rajah Sulayman laban sa mga Kastila na pumasok sa Pasig River para lusubin ang Maynila?

Gawa ang mga kanyon ni Panday Pira na nabuhay mula 1488 hanggang 1576.

Naglaban sina Sulayman at pwersa ng Kastila mula sa Panay sa parte ng San Nicolas, Binondo ngayon noong Mayo 24, 1570 sa bukana ng Pasig River at tinawag itong Unang Giyera sa Maynila.

Pinangunahan nina Marshal Martin de Goiti at Don Juan de Salcedo ang mga Kastila at natalo sina Sulayman na hindi dala ang mga kanyong may habang 17 piye.

Dahil sa takot na reresbak sina Sulayman, nagmadaling umalis ang mga Kastila at bumalik sa Panay noong Abril 20, 1571.

Pagbalik nila sakay ng 27 barko at bangka na may 280 Kastila at 600 na kakamping Bisaya noong Mayo 19, 1571, natatalo muli sina Sulayman at doon na nagtuloy-tuloy ang pananakop ng mga Kastila sa Kamaynilaan, kasama na ang pagtatatag ng Intramuros bilang base ng gobyerno nila.

Habang nagaganap ito, nag-ulat si Adelantado Miguel Lopez de Legaspi kay Haring Felipe sa Espanya ukol sa nasamsam nilang kanyon at doon sinabing mas matibay ang mga kanyon nina Sulayman sa mga kanyon ng kanilang mga barko batay sa pagtesting sa mga ito sa tuloy-tuloy na pagpapaputok.

Kaya naman, nang makapagpermanente na ang mga Kastila sa Maynila, pinahanap nila si Panday Pira sa Pampanga at ginawa nang panday nila ng mga kanyon.

NASAAN ANG MGA LAHI NI PANDAY PIRA?

Ngayon nama’y 2022 at makalipas ng 452 taon mula noong 1570, nasaan na ang mga lahi ni Panday Pira?

Nagtatanong tayo dahil sa ulat ng Mines and Geosciences Bureau-Department of Environment and Natural Resources na sumisirit ang pagmimina sa iron ore at chromite na paggawa ng sari-saring bakal kumpara sa ibang mineral gaya ng ginto at iba pa.

Lumalabas ding ini-export ang malaking bahagi ng produksyon dito, kasama na ang mga pinoproseso sa Pilipinas.

Gawa ng bakal ang mga makina, electric motor at iba pa na mahalagang bahagi ng pundasyon ng industriyalisasyon.

Kung wala tayong makina, electric motor at iba pa, mananatili na lang tayong nag-iimport ng mga ito na gawa mula sa mga inie-export nating minerals na minimina sa ating mga kalupaan at kabundukan.

At ang industriyalisasyon na nais nating itatag at kamtin ay mapupurnada lamang.

Tayo’y labis na sumusuporta sa programa ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. para sa industriyalisasyon at kakambal nito ang edukasyong nakatuon dito at pananatili ng mga siyentista sa bansa para makatulong.

Sana naman, kung may mga Panday Pira tayo na maihahalo sa susunod na mga Panday Pira mula sa mga iskul, dapat silang hanapin para buuing bakal ang mga mineral nating pambakal at magsimulang gagawa ng mga makina, electric motor at iba pa na sariling atin at paunlarin para sa ating industriyalisasyon.