Pandemya plus utang bagsak ang ekonomiya

Pandemya plus utang bagsak ang ekonomiya

March 17, 2022 @ 1:59 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Nababahala si dating Bangko Sentral ng Pilipinas deputy governor Diwa Guinigundo sa posibleng pagbagsak ng ekonomiya dahil maraming problemang mamanahin ang susunod na Pangulo ng bansa bunsod ng epekto ng COVID-19 pandemic at sunod-sunod na utang na pinasok ng mga nakalipas na administrasyon.

Ayon kay Guinigundo, wala pang plano ang ilang leading presidential candidate sa paglutas ng malaking fiscal deficit ng gobyerno, lumolobong pagkakautang at muling paglalatag ng fiscal consolidation plan na maaaring pagmulan ng kumpiyansa ng mga dayuhan at lokal na negosyante na hindi mababangkarote ang gobyerno ng Pilipinas.

Maaaring pinatututsadahan ni Guinigundo ang presidential frontrunner na si Ferdinand Marcos, Jr. na hindi pa rin naglalabas ng economic plan at hindi rin pinauunlakan ang mga presidential debate.

Base sa mga datos, lumobo ang utang ng bansa sa P12 trilyon noong 2021 mula sa P7.7 trilyon noong 2019. Sa huling pagtataya ng Nomura Global Research na binubuo ng mga ekonomista sa iba-ibang bansa, mababa ang naging marka ng nangungunang tandem sa presidential at vice presidential derby sa mga aspeto ng national experience, business friendliness, continuity/good governance, infrastructure progress, at fiscal discipline.

Nagbabala rin ang JP Morgan laban sa pagbabalik ng Pilipinas sa magkakambal na deficit: fiscal deficit at current account deficit. Ayon sa mga eksperto, ang mga ito ang maaaring pagmulan ng krisis sa ekonomiya ng Pilipinas sa mga panahong ito ng pandemya at pagtaas ng interes, presyo ng langis at ibang mga serbisyo’t bilihin.

Aniya kung walang malinaw na programa, mahirap hikayatin ang mga negosyante na mamumuhunan, magbukas ng mas maraming trabaho at magpasuweldo ng mas maraming mga manggagawa.

Dagdag pa ng dating BSP deputy governor, bukod sa maaaring pagbabalik ng monopolyo at cronyism, maaari rin daw bumaba ang credit rating ng bansa na magdudulot ng mataas na interes sa pandaigdigang merkado at paghina ng piso laban sa dolyar.

Noong panahon ng Martial Law, anang opisyal, ginawang gatasan ang mga government financial institutions lalo na ang PNB noong ito’y pag-aari pa ng pamahalaan. Nasadlak umano ang bansa sa malaking krisis sa utang na sa hanggang ngayon ay binabayaran pa rin ng mga buwis ng mamamayan.

Kung babalik sa dating estilo ang pamamalakad sa gobyerno, tulad noong panahon ni Ferdinand Marcos, masasadlak lang daw ang ekonomiya ng bansa kahit matapos pa ang pandemya, pagbibigay-diin ni Guinigundo. RNT