Panel of Experts na mag-aaral sa epekto ng Dengvaxia, pipiliin na ni Pangulong Duterte

Panel of Experts na mag-aaral sa epekto ng Dengvaxia, pipiliin na ni Pangulong Duterte

July 10, 2018 @ 2:34 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Tatlo lang mula sa apat na panel of experts ang pipiliin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magsasagawa ng pag-aaral sa epekto ng Dengvaxia na itinurok sa mga bata sa Pilipinas.

Hindi naman alam ni Presidential spokesperson Harry Roque ang pangalan ng mga ito subalit aniya ay mula sa Vietnam, Thailand, Singapore at Sri-Lanka.

Bahala na aniya si Pangulong Duterte na mamili ng mga dayuhang eksperto.

“Ang pagkakaintindi ko po, pipili si Presidente ng tatlo sa apat. So, bahala po ang Presidente na mamili. Iyon lang po ang napagkasunduan kahapon ‘no. May apat na pangalan, pupuwedeng pumili ang Presidente. Lahat po ‘yan dayuhan, lahat po ‘yan walang kinalaman sa kahit kanino dito sa Pilipinas. Pero tatlong taga-Southeast Asia po, isang Sri Lankan,” ani Sec. Roque.

Sinabi pa niya na mayroong sapat na budget para imbitahan ang mga ito na pumunta sa Pilipinas, at mag-aral kung ano ang dapat nilang pag-aralan para magkaroon ang mga ito ng conclusion sa tunay na epekto ng Dengvaxia.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Public Attorney’s Office chief Persida Acosta na kung ang DOH ang kumuha ng mga ekspertong dayuhan na mag-aaral sa epekto ng Dengvaxia ay hindi masasabing independent ang mga ito lalo pa’t nakademanda ang nasabing departamento.

“Kung DOH ang kumuha nyan ay hindi independent ang mga yan kasi nakademanda ang mga taga Doh na bumili at nagpaturok ng dengvaxia,” ani Acosta. (Kris Jose)