Panelo sa pagkamatay ng 14 suspek sa N. Oriental: lehitimong police ops, hindi masaker

Panelo sa pagkamatay ng 14 suspek sa N. Oriental: lehitimong police ops, hindi masaker

April 1, 2019 @ 2:49 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Lehitimong police operation at hindi masaker ang nangyari sa Negros Oriental na nauwi sa pagkamatay ng 14 na suspek na hinihinalang mga kriminal.

Sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na mayroon aniyang inilabas na search warrant ang korte para sa operasyon na ito kung saan ay inimplementa lamang ng kapulisan.

Ayon sa Kabataan party-list, karamihan sa mga namatay ay magsasaka at hindi kriminal.

Pinabulaanan naman ni Sec. Panelo ang ulat na tinarget talaga ng kapulisan ang mga magsasaka na may kaugnayan umano sa komunistang grupo.

Aniya, ito ang usual na pahayag ng mga taong nauugnay sa komunistang grupo subalit nananatii aniya ang katotohanan na ang mga taong subject sa search warrant ay nakilala bilang suspects sa ilang ambush at assassination attempts.

Malinaw aniya na isa itong police operation at suportado ng mga dokumento dahilan upang maniwala ang korte sa mga ito kaya nga nagpalabas ng warrant of arrest ang korte laban sa mga suspek.

Sinabi naman ni PNP chief Police General Oscar Albayalde na ang police operation ay sakop ng search warrant.

“Itong mga operations na ito are all covered by search warrants. They have 36 search warrants in different parts of Negros Oriental. Hindi po ito nangyari sa iisang lugar. Hindi totoong ito ay massacre. Ito ay nangyari sa iba’t-ibang lugar. Hindi ito sa iisang lugar na 14 na katao…,” paglilinaw ni Albayalde.

Binigyang diin din ni Albayalde na 12 iba pa ang naaresto sa naganap na police ops habang isang pulis ang nasugatan.

Depensa ng pinuno ng PNP, kung ang intensiyon ng mga operatiba ay patayin ang lahat ng sisilbihan ng search warrant ay wala na sanang naarestong iba pa na umano’y hindi nanlaban.

Nanindigan din ang pinuno ng PNP na ang mga namatay ay nanlaban sa mga operatiba.

Magsasagawa naman ang Commission on Human Rights sariling imbestigasyon sa naganap na insidente. Kris Jose