PANG-AABUSO NG HI-TECH COMPANIES BANTAYAN  

PANG-AABUSO NG HI-TECH COMPANIES BANTAYAN  

September 15, 2022 @ 5:55 PM 2 weeks ago


IKAW ba, sa paggamit mo ng Meta o Facebook o Google, eh, may napansin ka bang kakaiba?

‘Yun bang === pinupuri ka ng Meta o Facebook o Google sa paggamit mo ng kanilang kompanya at napapaligiran ng advertisement ang iyong account?

O kaya’y ipinagmamalaki ka nila sa paggamit mo ng kanilang kompanya at ginagawa ka nilang pang-akit sa iba pa para gumamit ng Facebook at Google?

Kasi naman, lalo na kung sikat ka at may daan-daang libo o milyong follower o tagasubaybay, pwedeng hindi mo mararamdaman na ginagamit ka na pala bilang kanilang pinagkakakitaan sa mga advertisement.

PINAGMUMULTA SILA

Sa South Korea, pinagmulta ang Facebook at Google ng malalaking halaga sa paggamit ng mga ito ng accounts ng mga user nila para palakasin ang kanilang mga sarili bilang social media at daluyan ng mga kanilang mga pinagkikitaan na advertisement.

Nasa $71 milyon ang kabuuang siningil sa kanila ng pamahalaang Korea.

Mula sa halagang ito, minulta ang Meta ng $22.1 milyon habang $49.7 milyon naman ang sa Google.

Ayon sa gobyernong South Korea, pinakikialaman o kinokolekta pala ng dalawang higanteng hi-tech na kompanyang ito ang personal na datos o rekord ng kanilang mga user nang walang pahintulot mula sa huli.

Saka gamitin ang mga ito sa kanilang mga advertisement para sa bentahan ng lahat ng uri ng kalakal na pupwedeng ilabas sa kanila.

Sa nasabing bansa, bawal na bawal na kolektahan ng mga kompanyang social media o internet ang kanilang mga user para magamit sa kanilang mga pinagkakaperahan.

GAMIT NA GAMIT ANG ACCOUNTS

Marami ang nakapansin, mga Bro, nitong nakaraang halalan na pagbukas na pagbukas nila ng kanilang mga account, katakot-takot na mukha ng mga politiko ang lumalabas.

Kasama sa mga lumalabas din ang mga patido pulitikal, kabilang na ang mga party-list.

Lumalabas tuloy na iniendorso ng mga user ang mga politiko.

Kahit anong gawin mo, hindi mo basta masibak ang mga advertisement dahil tila naka-welding ang mga ito sa iyong account.

Eh, mahal ang pag-advertise sa mga social media para makahila ng boto mula sa mga may account ang mga friend o follower ng mga ito.

Mayroon ding mga kalakal na sumusulpot bigla at kung minsan, nauuna pa ang mga ito na magpakita sa iyong account kaysa mismong mga gusto mong ilabas o basahing mensehe.

Naaayon ito sa lumalabas na mga interes mo, gaya halimbawa ng pagkakaroon sana ng murang solar light.

Mapabibili ka tuloy at marami ang nakararanas ng pagbili ng mga depektibong produkto.

Mainis ka man, wala ka talagang magawa para tanggalin ang mga ito.

PAGKILOS NG GOBYERNO

Magandang pansinin ng gobyerno natin ang mga pangyayaring ito.

Maganda ang social media, Meta o Facebook man o Google.

Pero kapag pinagsasamantalahan na ang mga user, kapag ginagamit na sila bilang pagkakitaan sa pagkalkal sa kanilang mga personal na impormasyon, aba, ibang usapan na ‘yan.

Dapat mamulta nga sila at ilabas ang kanilang pera-perang pagtrato sa mga user nang walang kaukulang abiso.