PANG. DUTERTE NAKIKINIG SA BOSES NG TAUMBAYAN

PANG. DUTERTE NAKIKINIG SA BOSES NG TAUMBAYAN

March 23, 2022 @ 11:07 AM 3 months ago


MAKARAANG marinig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karaingan ng taumbayan na sila’y tulungan, lalo na ang kalahati ng lipunang talagang hirap na hirap na sa buhay sa iba’t ibang kadahilanan, nagpasya itong utusan ang Department of Finance na maglabas ng pondo para gawin nang P500 ang naunang P200 na ayuda.

Lumalabas na magkakaproblema ang gobyerno ukol sa mga uri ng pondo para sa ayuda makaraan ang anim na buwan pero iginiit ng Pangulo na ibigay na ang mas malaking halaga.

Kung tutumbasan ang naturang halaga ng kilo ng bigas na maganda-ganda, gaya ng tig-P50 kada kilo, kahit papaano, makabibili ang benepisyaryo ng 10 kilo.

Maitatawid na nito nang kaunti sa gutom sa loob ng isang linggo ang pamilyang binubuo ng lima katao.

IBA PANG MGA AYUDA

Ang totoo nito, hindi lang naman ang ayudang ito ang mapupunta sa mga mahihirap nating kababayan.

Sa hanay ng mga tsuper mula sa traysikel hanggang sa mga nasa jeepney driver, delivery rider at iba pa, magkakaroon din ang mga ito ng ayuda.

Mayroon din para sa mga mangingisda, magsasaka at iba pa.

Milyon-milyong mamamayan ang magkakaroon ng ayuda.

Iba pa ang mga libreng pagkakaospital ng mga mahihirap dahil sa pag-iral ng batas para sa Malasakit Center.

At naririyan din ang libreng pag-aaral sa kolehiyo, lalo na sa mga pampublikong paaralan, at hindi na alalahanin pa ng mga magulang o nagpapaaral kung saan sila hahagilap ng pang-tuition sa mga bata.

Napakalaki rin ang epekto ng giyera sa droga.

Wala na gaano ang mga durugista na noo’y umuubos sa kita ng isang pamilya, kasama ang mga anak o asawa ng mga overseas Filipino worker.

KORAPSYON,  MASAMANG BISYO DURUGIN

Nasa isipan ng Pangulo ang paggaan ng kalagayan ng mga hirap na hirap sa buhay ngayon.

At siyempre, maraming ahensya ng pamahalaan ang inaatasang magpatupad ng sari-saring ayuda.

Naririyan ang Department of Social Welfare and Development, ang mga lokal na pamahalaan, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board, ang Department of Agriculture.

Bilyon-bilyong salaping bayan ang pakakawalan para isalba ang mga mamamayan naghihikahos.

Sana naman, hindi maghari ang korapsyon dito at mapunta talaga sa mga dapat na benepisyaryo ang mga ayuda.

Kabilang sa mga anyo ng korapsyon ang pagnanakaw mismo sa mga pondo, pagpapairal ng sistemang kamag-anak sa mga benepisyaryo, pamumulitika na ang mga suporter ng mga politiko ang makikinabang at marami pang iba.

Pero may masasama ring paggamit ng mga benepisyaryo gaya ng mga nalululong sa droga, sa sugal, sa alak at iba pang masasamang bisyo at  masasamang gawain gaya ng pagiging tamad at palaasa sa bigay ng gobyerno at iba pa.

Dapat tanggapin natin na hindi lang ang pamahalaan ang nagkukulang o nagkakamali kundi tayo ring mamamayan kung tayo’y nakararanas ng paghihirap.

Panahon ngayon ng mga pagtutuwid alang-alang sa kapakanan ng buong bayan at ng sarili.