Pangako ng Kamara: 2023 budget, maipapasa sa Senado sa Oktubre – Angara

Pangako ng Kamara: 2023 budget, maipapasa sa Senado sa Oktubre – Angara

July 27, 2022 @ 4:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Ipinangako ni House  Speaker Martin Romualdez na maipapasa sa Senado ang 2023 national budget sa Oktubre kung makapaghahain ang Palasyo isang buwan pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) kamakailan, ayon kay Senador Sonny Angara.

“Nakausap namin ni Senate President Migz [Zubiri] si Speaker Martin diyan at sabi niya na he’s confident na basta matanggap nila ang budget a month after the SONA, which is the required period sa ilalim ng Saligang Batas—August 25, maipapasa nila yan ng early October. Maibibigay na sa Senado,”  ayon kay Angara, chairman ng  Senate Finance Committee.

Sinabi ni Angara na kapag naipasa kaagad ang badyet sa Oktubre, magkakaroon ng mas mahabang panahon ang Senado na pagdebatehan at suriin ito.

“Gusto natin na on time natin maipapasa…Para January 1 may bago nang budget, may bago nang programa,” aniya.

Tulad ng mga nakaraang kongreso, nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang Senado upang mapabilis ang pagsusuri sa panukalang pambansaang badyet.

Aniya, walang free ride na termino sa pagbubuo ng badyet.

“Dito talagang inii-scrutinize ng mga senador, ginagabi pa kami,” he said.

“Gusto namin tulungan si Pangulong [Ferdinand Marcos Jr.] and the way we can really help is by passing a good budget,” aniya.

Sa ilalim ng Saligang Batas, dapat maihain ng Pangulo ang panukalang badyet sa loob ng 30 araw matapos magbukas ang regular session.

Hindi maaaring pagtibayin ng Senado ang panukalang badyet kapag hindi aprubado sa Mababang Kapulungan. Ernie Reyes