Pangakong ayuda vs epekto ng TRAIN, ‘wag ipako – Sen. Bam

Pangakong ayuda vs epekto ng TRAIN, ‘wag ipako – Sen. Bam

August 2, 2018 @ 1:40 PM 5 years ago


 

 

Manila, Philippines – Matinding kinalampag ni Senador Bam Aquino ang pamahalaan na ipatupad ang pangako nito na ibigay ang kumpletong ayuda sa mamamayan na lubhang naaapektuhan ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na bago pa pag-usapan ang pagsasabatas ng TRAIN 2.

“Siguraduhin muna ng gobyerno na ang pinangakong tulong ng TRAIN 1 ay makuha ng mga Pilipino. May ilang milyong pamilya pa ang hindi nakatatanggap ng tulong pinansiyal, pati mga jeepney driver ay nirereklamo ang Pantawid Pasada Program,” wika ni Sen. Bam, isa sa apat na senador na bumoto laban sa ratipikasyon ng TRAIN Law.

Hindi pa nakukumpleto ng gobyerno ang pagpapatupad ng unconditional cash transfer program at Pantawid Pasada Program, isang tulong sa jeepney operators at drivers sa harap ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

“Kung napakaraming pangako ang hindi natupad, bakit pa tayo maniniwala sa mga pangako ngayon? Magpakatotoo na tayo. Suspindihin na natin ang mga pahirap na buwis sa TRAIN,” wika ni Sen. Bam, na inihain ang Senate Bill No. 1798 o ang “Bawas Presyo Bill” na layong i-roll-back at ipatigil ang excise tax sa petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law kapag lumabpas ang average inflation sa taunang inflation target sa loob ng tatlong buwan.

“Sa pag-uusap namin iba’t ibang komunidad, napakarami ang naghahanap ng solusyon sa taas-presyo. Nalulunod na sila sa gastos,” wika ni Sen. Bam.

Sa planong pagsusulong ng TRAIN 2 sa Senado, sinabi ni Sen. Bam na hindi niya maatim na talakayin ito habang hindi natutugunan ang mga problemang dulot ng TRAIN 1.

“Mahirap maka-move-on sa TRAIN 2 habang maraming Pilipino pa ang pinapahirapan ng TRAIN 1. Hindi pa naipapatupad ang mga programa para sa mga nasagasaan ng TRAIN,” dagdag ni Sen. Bam. Ernie Reyes