Pangakong hindi natupad

Pangakong hindi natupad

July 5, 2018 @ 7:27 PM 4 years ago


Madalas kong marinig sa mga tao na ang mga pangako ay ginawa upang mabali at ang mga kasinungalingan ay pinananatili. Totoo rin na ang karamihan, hindi lahat ng tao ay nabibigong tuparin ang kanilang mga ipinangako nang ilang ulit.

Kahit ang Pangulo ng bansa ay hindi naiiba sa mga ito. Sa dalawang taon niya sa panunungkulan ay may ilang pangako si President Duterte na nabigo siyang tuparin.

Nangunguna sa listahan ang pangako niya no­ong kampanya na wawa­kasan ang madalas niyang pagmumura sa mga tao na gumalit sa kanya. Sumumpa rin siya na kikilos nang naaayon sa posisyon na kanyang hawak.

Pero dalawang taon na sa kanyang termino ay patuloy pa rin siya sa pagmumura at pagpuna sa mga bumabatikos at pagbibitiw ng hindi kaaya-ayang pagbibiro at komento na sa tingin ng marami ay hindi karapat-dapat sa isang tao na nasa kanyang posisyon. Sa kampanya ay nangako siya na sasakay sa jetski sa Spratlys Island at itatanim doon ang watawat ng Pilipinas.

Inulit niya ang pangako noong 2017 at ga­gawin ito sa Araw ng Kalayaan nga­yong taon. Pero kinansela niya ang plano da­lawang buwan bago ang okasyon dahil sa kahilingan daw ng China.

Nangako rin si Duterte na ipatutupad ang desis­yon ng arbit­ration court sa Hague sa petisyon kung saan nagwagi ang Pilipinas laban sa China kaugnay ng ating teritoryo sa West Philippine Sea. Pero patuloy na ipinagpapaliban nitong ipatupad ang naturang desisyon.

Sumumpa rin si Duterte na maglalayag siya patungo sa Phi­lippine Rise noong Mayo. Lahat ng ka­ilangang preparasyon ay ginawa pati na ang me­dia na magkokober sa okasy­on pero lahat ay para lang sa publicity. Nagtalumpati ang Pangulo habang nakasakay sa bangka ng Navy na nakadaong sa Casiguran Bay sa Aurora at umalis bago pa ito maka­biyahe papuntang Philippine Rise.

*              *               *

Ang sabi nila ay masusukat ang tunay na kahalagahan ng tao sa pamamagitan ng pagtupad sa binitiwang salita. At para sa isang pinuno ng bansa, ang mga mamamayan ay umaasa nang husto kung paano niya pinahahalagahan ang kanyang salita

Kung ang binitiwang pangako ay mula sa puso at pinaniniwalaang kaya niya itong tuparin, halos walang pagkakataon para sirain niya ito.

Maliwanag na kahit si Duterte ay hindi maa­asahang tuparin ang bawat pangako, lalo na kung ang pagtupad nito ay ikagagalit ng China; na itinuturing ng Pangulo na malapit na malapit na kaalyado.

Puwede lang nating asahan at ipagdasal na lagi niyang uunahin ang kapakanan ng mga Pilipino bago ang mga dayuhan niyang kaibigan sa lahat ng sandali. –¬†FIRING LINE NI ROQUE