Pangakong mas mabilis na serbisyo dahil sa national ID system, malabong magkatotoo – Gabriela

Pangakong mas mabilis na serbisyo dahil sa national ID system, malabong magkatotoo – Gabriela

August 9, 2018 @ 1:30 PM 4 years ago


 

 

Manila, Philippines – Hindi kinagat ng grupong Gabriela ang garantiya ng gobyerno na makakatulong ang National ID system para bumilis at umayos ang serbisyong publiko.

Ayon kina Gabriela Partylist Reps Emmi de Jesus at Arlene Brosas ang pangako na ito ng pamahalaan ay isang.pangakong mapapako lamang din dahil ang katotohanan ay hindi maiaangat ang kalidad ng serbisyo kung kulang naman sa gamit at pasilidad.

Gaya umano sa sektor ng pangkalusugan, hindi gaganda ang serbisyo nito kung malaki ang kakulangan sa mga ospital at health workers. Giit ng dalawang mambabatas, walang magiging papel ang ID systen kung hindi pa rin natutugunan ang mga pangunahing problema dala ng kawalan ng pondo.

Suhestiyon ng Gabriela sa halip na gastusan ang National ID System ay gamitin na lamang ang budget dito para palakasin ang social services gaya ng dagdag na ospital at dagdag na modernong kagamitan para dito.

Iginiit pa ng Gabriela na duda silang isinusulong ang ID system para makuha lamang ng gobyerno ang personal details ng bawat Filipono na maaaring gamitin naman sa pangingikil. Gail Mendoza