PANGALAGAAN DIGNIDAD NG CONSTRUCTION WORKERS

PANGALAGAAN DIGNIDAD NG CONSTRUCTION WORKERS

November 10, 2022 @ 12:30 PM 3 weeks ago


MAHALAGA ang pagkakaroon ng ‘motivation’ sa trabaho lalong lalo na sa mga kababayan nating nagbabanat ng buto sa mga construction project.

Maliban sa dagdag na sweldo at incentives, mas nakaeengganyo ang pagkakaroon ng maayos na working environment upang mas maging masigasig at pulido ang ating mga construction worker sa pagtupad sa kanilang mga responsibilidad.

Kabilang ang welfare facilities sa mga requirement para masabing safe at healthy ang bawat isa. Nakapaloob ang panuntunang ito sa department order No. 13 o Guidelines Governing Occupational Safety and Health in the Construction Industry at RA 11058 o An Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations thereof na parehong ipinatutupad ng labor department.

Ang nakalulungkot lang dear readers na may mga kababayan pa rin tayong napagkakaitan ng kanilang karapatan. Personal nating naobserbahan ang ilang mga obrerong kumakain ng kanilang pananghalian sa tabi ng kalsada.

Ayon kasi sa umiiral na batas, kailangang magkaloob ang employer ng ligtas na lugar para makakain ng maayos ang bawat empleyado.

Ang masaklap pa, pinagbebentahan pa sila ng drinking water sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan eh malinaw na libre dapat ito. Hindi rin matatawag na comfort room ang inilaan sa kanila dahil sa bukana pa lang ng pintuan ng CR ay malalanghap mo na ang umaalingasaw at mabahong amoy nito. Bukod sa madumi, walang sabon at tubig na panghugas, papaano ka ba naman gaganahan magtrabaho kapag ganyan ang sitwasyon?

Kailangang kumilos ang awtoridad, hindi maaaring isantabi ang mga ganitong kondisyon sa trabaho, nakapagpapababa ito ng dignidad at motibasyon.

Pakatandaan natin na napakalaki ng kontribusyon ng construction worker sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya. Tulungan natin sila sa pagpuksa sa maling kalakaran at inhumane condition.