PANGALAN NG TESDA DIRECTOR, GAMIT SA PANGUNGULIMBAT

PANGALAN NG TESDA DIRECTOR, GAMIT SA PANGUNGULIMBAT

November 25, 2022 @ 1:05 AM 2 weeks ago


HINDI na yata mawawala ang masamang ugali ng ilang mga taong nagsasamantala sa kapwa gamit ang nalalapit na pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Kamakailan lamang, naaresto ng mga tauhan ng Manila City Hall Special Mayor’s Action Team sa pangunguna ni P/Maj. Edward Samonte ang isang lalaking nagpapanggap na inspector ng Manila City Hall, gamit ang pekeng ID para mangikil sa mga establisimyento.

Karamihan sa mga binibiktima ng pekeng inspector ang maliliit na negosyo sa area ng Chinatown dahil batid niya na may koneksyon sa matataas na opisyal ang mga may-ari ng malalaking negosyo kaya bilang pag-iingat ay namimili siya ng bibiktimahin.

Kaso, nang makarating sa kaalaman ni Mayor Honey Lacuna ang kabalbalan ng lalaking nagpapanggap na inspector ay kaagad niyang inatasan si Samonte na hulihin ang suspek at sampahan ng kaso.

Hindi lang pala sa mga lokal na pamahalaan nangyayari ang ganitong uri ng masasamang gawain dahil ang iba ay mas gustong gamitin ang pangalan ng matataas ng opisyal ng Pambansang Pamahalaan para nga mas malaki ang kanilang makukulimbat.

Ang pinaka-latest na pumalag nang malaman na may gumagamit ng kanyang pangalan ay si Technical Education and Skills Development Authority Director General Danilo Cruz.

Sa pahayag ni DG Cruz, natuklasan ng ahensyang kanyang pinamumunuan na may taong nag-solicit, gamit ang programa at serbisyo ng TESDA.

Sa panghihingi, may ibinibigay na Gcash account ang nangingikil.

May nabiktima na ito na nagbigay ng P25,000 sa pamamagitan ng Gcash kapalit ng pagkakaloob ni TESDA skills training.

Hindi rin naman magtatagal at mahuhubaran na ng maskara ang taong nasa likod nang paggamit sa pangalan ni Cruz dahil inireport na ng TESDA sa National Bureau of Investigation, sa National Telecommunications Commission at sa National Privacy Commission ang pangyayari upang kaagad na maimbestigahan at mahuli ang taong nasa likod nito.