Pangamba ng recession sa bansa, pinawi ni Pangandaman

Pangamba ng recession sa bansa, pinawi ni Pangandaman

October 28, 2022 @ 3:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinawi ni Department of Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman nitong Biyernes, Oktubre 28 ang pangamba ng mga Filipino na ang ekonomiya ng Pilipinas ay babagsak sa recession.

“I think we’re far from it [recession]. Your economic team is trying its best,” pahayag ni Pangandaman.

“We have our Medium-Term Fiscal Framework (MTFF), our socioeconomic agenda, and a national budget that is anchored on, and funds our eight-point socioeconomic agenda,” dagdag pa niya.

Ngayong buwan lamang, sinabi ng International Monetary Fund (IMF) na inaasahang babagal ang paglago ng mga bansa sa mundo hanggang susunod na taon dahil sa epekto ng tensyon sa Russia at Ukraine maging ang iba pang problema sa ekonomiya.

Matatandaan na ang ekonomiya ng Pilipinas ay napunta sa recession sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic noong 2020 bago nakaahon ng 5.7% sa pagluluwag ng pamahalaan ng mga restriksyon at pagbabalik ng mga negosyo at iba pang aktibidad.

Para sa taong 2023, ang proposed P5.268-trilyo national budget ng DBM ay nakasanga sa eight-point socioeconomic agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. RNT/JGC