Pangamba vs pagkalat ng COVID sa Pista ng Nazareno, kinondena ng church official

Pangamba vs pagkalat ng COVID sa Pista ng Nazareno, kinondena ng church official

January 3, 2023 @ 4:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Pinuna ni #Nazareno 2023 Adviser Alex Irasga ang agam-agam na magkakaroon ng superspreader ang pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9.

(Maayos at organisado ang isinagawang pahalik sa gilid ng Quiapo Church kung saan dalawang Replica ng Jesus Nazareno ang nakalagak. Nagpaalala ang mga nakabantay na maari lamang magpunas sa kamay at paanan ng poon at hindi muna pwedeng humalik.)

Binigyang-diin ni Irasga na sinasabi ng agham at datos na ang selebrasyon ng Black Nazarene noong 2021 ay hindi superspreader.

“You can check all datas. Here is Barangay Quiapo, wala pong may COVID-19. Wala pong may covid. Lahat po ng Kamaynilaan attest to the fact that– the event ay nagpatunay na ‘mali’ ang pag-aagam-agam ng mga siyensa — no offense meant doktoras — ng mga doktor ng medisina na there might be a superspreader,” ani Irasga patungkol sa mga dumalong mga opisyal ng Department of Health (DOH) sa press conference ng #Nazareno2023 .

Ginit ni Irasga, may pagdiriwang man aniya o wala, nasa loob man ng bahay ay nagkaka-COVID pa rin kahit anong gawin natin.

Katunayan aniya, noong nakaraang taon ay hindi pinahintulutan ang Quaipo na magkaroon ng mga prusisyon o iba pang aktibidad sa Pista ng Itim na Nazareno ngunit sila man na mga opisyal ng Quiapo church ay tinamaan pa rin ng COVID-19 kahit hindi sila magkakasama sa simbahan.

“Noong 2022 ipinasara nila kami, walang pagdiriwang. Sa maniwala kayo o sa hindi, lahat kami may Covid, kung tatamaan ka, kung talagang tatamaan ka, you will be contaminated with the virus,” pahayag niya.

“Bakit ang mga pagpupulong, yung mga meeting, yung mga rally noong eleksyon ay hindi natin itinuring na superspreader? Bakit ang mga sporting event, mga concert hindi natin itinuturing na superspreader?” pagpuna pa ni Irasga.

“Bakit ang gawaing kabanalan ay naba-brand as superspreader? We are not superspreader, we are spreader of faith and the devotion to the Black Nazarene,” binigyan-diin pa ni Irasga. Jocelyn Tabangcura-Domenden