Pangangampanya ni Eleazar pinalakas pa

Pangangampanya ni Eleazar pinalakas pa

April 19, 2022 @ 3:32 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Walang nang hinto ang pangangampanya ni dating PNP chief at senatorial candidate Guillermo Lorenzo Eleazar lalo ngayo’t tatlong linggo na lang bago ang halalan sa Mayo 9.

Nakatakdang bumisita ngayong araw (Abril 19) si Eleazar sa Batangas, kung saan una nang naghayag ng suporta si Governor Hermilando I. Mandanas sa kanyang kandidatura.

“Kaya binabalik-balikan ko ang Batangas dahil palaging napakainit ng pagtanggap ng mga tao sa akin sa probinsyang ito. Nagpapasalamat ako kay Governor Dodo dahil sa kanyang suporta sa aking kandidatura,” ani Eleazar.

Bago ito, nagsagawa ang Partido Reporma candidate ng motorcade sa Caloocan City at Marikina City noong Abril 18, at nakipagkita rin sa mga taga-suporta.

“Malapit sa aking puso ang Caloocan at Marikina dahil nahawakan ko itong dalawang lugar na ito noong ako ay naging NCRPO chief mula 2018 hanggang 2019. Maraming salamat Caloocan at Marikina at sana ay tuloy-tuloy na niyo akong samahan hanggang sa Senado,” ani Eleazar.

Sa ngayon ay lalo pang umiinit ang labanan sa pagka-senador sa nalalapit na halalan.

Nangako si Eleazar na mas pagbubutihin pa ang pangangampanya upang maabot ang mas maraming tao at mailatag ang kanyang plataporma sa kanila.

Aminado si Eleazar na malaking hamon ang pagpapakilala sa sarili sa iba-ibang panig ng bansa at paglalatag ng platapormang naka-angkla sa peace and order, pero tiniyak niyang patuloy lang magsusumikap para maisulong ang layuning makatulong sa bansa.

“Kaunti na lang ay nasa finish line na tayo sa karerang ito. Hindi tayo magsasawa na puntahan ang ating mga kababayan sa kanilang mga tahanan upang tayo ay kanilang maging boses sa Senado,” aniya. Jan Sinocruz