Panganib ng monkeypox nilinaw ng DOH

Panganib ng monkeypox nilinaw ng DOH

July 31, 2022 @ 3:15 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Binigyang-linaw ng Department of Health (DOH) na karaniwang mild ang mga sintomas at hindi madalas na nakamamatay ang monkeypox.

“Monkeypox symptoms are mild, and the disease is rarely fatal,” pahayag ng DOH nitong Sabado.

Nilinaw ng DOH na dalawa ang grupo ng organism ng monkeypox: ang West African at Congo Basin clade. 

Batay sa datos mula sa World Health Organization (WHO), nasa 360 ang case fatality rate (CFR) sa 10,000 kaso ng West African clade o grupo, habang 1,000 naman ang CFR sa 10,000 kaso ng Congo Basin clade.

Base sa bagong datos, 10 na ang nasawi sa 22,000 kasalukuyang kaso ng monkeypox sa buong mundo, na nangangahulugang may 5 CFR sa kada 10,000 kaso. 

Ito ang ginawang paglilinaw ng kasunod ng kumpirmasyon unang kaso ng monkeypox sa Pilipinas.

Base sa mga infectious disease expert, mas nakahahawa ang smallpox at COVID-19 kumpara sa monkeypox, bagama’t hindi umano dapat magpakampante ang publiko.

“Iba-iba ‘yong virus po kasi na sanhi ng smallpox, ng monkeypox bagama’t iyan ay parang magpi-pinsan,” paliwanag ni Dr. Enrique Tayag.

“Ngayon, ang kaibahan niyan ay itong chickenpox nga, bulutong-tubig, eh ito ‘yong mabilis makahawa. Mas lubhang nakakahawa naman itong chickenpox kompara po ro’n sa monkeypox, kaya nga pailan-ilan lang ‘yong kaso niyan sa bansang Africa kung saan nag-umpisa iyan at kung saan endemic iyan,” aniya pa.

“While it is not as infectious as COVID-19 where the main mode of transmission is aerosol, the main mode of transmission of monkeypox is close intimate contact. Having said that again, this is still not considered a sexually transmitted disease,” sabi naman ni Dr. Paul Salandanan.

Naobserbahan din ang mas mabagal na pagkalat ng monkeypox kumpara sa COVID-19. 

“‘Yong spread na nakita natin kasi, May 6 doon nagsimula ‘yong confirmed case. Tapos ngayon, puwede nating sabihin halos mag-3 months na at nasa 20,000 para sa buong mundo na,” ayon pa sa isang eksperto.

Lumalabas sa huling datos mula sa WHO na nasa 19,178 na ang mga kaso ng monkeypox sa 78 bansa. RNT/SA