Panganiban memo, ‘smoking gun’ sa smuggling ng asukal – Hontiveros

Panganiban memo, ‘smoking gun’ sa smuggling ng asukal – Hontiveros

March 2, 2023 @ 4:48 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Malaki ang paniniwala ni Senador Risa Hontiveros na magsisilbing matibay na ebidensya o tinaguriang “smoking gun” ang memorandum na ipinalabas ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban sa government-sponsored smuggling ng asukal nang walang permiso.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na pinatunayan sa memo ni Panganiban na sangkot ang opisyal sa pagpupuslit ng asukal na nakapasok sa bansa nang walang permiso o sugar order alinsunod sa itinakda ng batas.

Inihayag ito ni Hontiveros matapos ipalabas ni Panganiban ang memorandum na may petsang Pebrero 27, 2023 kung saan nagbibigay-clearance sa inangkat na asukal kabilang ang 240,000 metric tons na nakatoka sa All Asian Countertrade Inc. na nakapasok ng bansa nang walang kaukulang permiso at bago ipalabas ang Sugar Order ng Sugar Regulatory Administration (SRA), na isang paglabag sa batas.

“Ika nga, ang isda ay sa bibig nahuhuli. Totoo iyan, kahit sa smuggling ng asukal. Sa mismong memo ng DA lumalabas ang katotohanan – na matataas na opisyal ang nasa likod ng binubuong cartel at smuggling ring sa suplay ng asukal sa bansa. We should not ignore this ‘smoking gun’ proof of government-sponsored sugar smuggling being coordinated at the highest levels of bureaucracy,” ayon kay Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, nakatakda sa memo ni Panganiban na lantarang isinama ang pariralang nagsasabi na “the shipments to All Asian Countertrade Inc., which have arrived in the country” na kasama ang ipalalabas na inangkat na asukal.

Tinutukoy ni Hontiveros ang shipment ng asukal sa 260, 20-foot containers na dumaong sa Port of Batangas noong Pebrero 9, 2023 na nakatalaga sa All Asian Countertrade Inc., nang walang sapat na documentation.

“That’s the smoking gun – sila na mismo ang tahasang umamin, in black and white – that they were aware that shipments of sugar arrived in the country way before March 1, 2023, which is the earliest date the validly imported supply under Sugar Order No. 6 could reach our ports. Not only were they aware of those dubious shipments, they even wanted to clear them for release despite those shipments being obviously smuggled,” ayon kay Hontiveros.

“Hindi rin nila pwedeng gamitin ang Sugar Order No. 6 bilang palusot. That order only took effect on February 15, 2023, while All-Asian’s sugar shipments already arrived in the country by February 9, 2023. Since they had no proper permits, those shipments should be considered as the subject of large-scale agricultural smuggling,” aniya.

Iginiit ni Hontiveros na isa ang All Asian Countertrade Inc sa tatlong nangungunang trading firm na pinili ni Panganiban na umangkat ng asukal na inamin nito sa isang press conference noong February 22, 2023.

Ayon sa dokumento na ipinalabas ni Hontiveros, ibinigay ang awtorisasyon sa All Asian Countertrade alinsunod sa kautusan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.”

“Nakakagalit na mistulang gobyerno pa mismo ang hayagang kumikilos at nagkakamada ng pag-buo ng kartel at smuggling ring sa suplay ng asukal. Last year, during the first sugar import fiasco, several agricultural officials were suspended and subjected to multiple investigations. Ngayon siguro, dapat nang makasuhan at makulong ang mga tiwaling opisyal na inaabuso ang kanilang pwesto dito sa sugar import fiasco 2.0,” ayon kay Hontiveros.

Naunang naghain si Hontiveros ng Senate Resolution No. 497 na nananawagan ng imbestigasyon sa naturang kontrobersiya at maiwasan ang pagbubuo ng “government-backed cartel” na nagtatago ng suplay ng asukal at mamanipula ang presyo ng asukal sa bansa.

“Hinihintay ng buong bansa ang Senado, sa pamamagitan ng Senate Blue Ribbon Committee, na gampanan ang kanyang obligasyon. Huwag nating hayaan na maging cartel organizer ang DA, at mapuno ng kickbackan, kontratahan, at katiwalian ang ating agricultural processes. Kung hindi tayo kikilos, hindi na bababa ang presyo ng bilihin, at talo na naman ang mga mamimili at ang kanilang mga pamilya,” ayon kay Hontiveros. Ernie Reyes