Pangatlong dose vs COVID-19, balak ng DOH

Pangatlong dose vs COVID-19, balak ng DOH

October 15, 2021 @ 6:46 PM 1 month ago


Manila – Inanusyo ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na balak nilang bigyan ng ikatlong dose ng coronavirus disease (COVID-19)  vaccine ang mga immunocompromised individual.

“So lahat po ng ito, ang mga plano, it’s already underway,” pahayag ni Health undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang media briefing.

“Kailangan lang po natin makapaghintay din. Of course, we will need an EUA from the Food and Drug Administration before we can start implementing ito pong mga rekomendasyon na ito,” dagdag pa niya.

Ito ay bilang tugon ng DOH sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na dapat bigyan ng karagdagang dose laban sa COVID-19 ang mga immunocompromised individual.

Nilinaw din ni Vergeire na itinuturok ang booster shot matapos ang ilang buwan mula nang matanggap ang kumpletong dose upang palakasin muli ang katawan laban sa virus.

Samantala, ang ikatlong dose naman ay binibigay sa mga indibidwal na hindi kayang maabot ang sapat na resistensya laban sa sakit.

“For example, itong mga third doses o itong mga hindi nakakapag mount ng appropriate immunity would be our immunocompromised individuals and, of course ‘yung senior citizens po natin, kino-consider po natin na sila po ay maaaring hindi rin makapag-mount ng appropriate immunity,” ani Vergeire.

“Now, when it comes to boosters, ito po ‘yung kailangan may pag-aaral na nakakapagpakita na talagang bumababa na ‘yung immunity ng isang tao para ikaw ay bigyan ng booster shot,” dagdag niya.

Sinabi ni Vergeire na wala pang ebidensyang makakapagpatunay na makapagbibigay ng kumpletong proteksyon ang booster shot laban sa COVID-19.

Giniit pa niyang hindi tutol ang DOH sa booster shot.