Panggigipit at pang-aabuso, wala sa polisiya ng PNP – Eleazar

Panggigipit at pang-aabuso, wala sa polisiya ng PNP – Eleazar

July 7, 2021 @ 7:26 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Hindi kailanman naging polisiya ng Philippine National Police (PNP) ang mang-harass, mang-abuso at pagtakpan ang mga pagpatay at maling gawain sa drug war ng administrasyong Duterte.

Giit ito ni PNP chief General Guillermo Eleazar kasunod ng pahayag ng international rights watchdog na Investigative PH na patuloy ang mga pulis sa paggawa ng extrajudicial killings at anila’y obstruction of juatice sa mga isinasagawang imbestigasyon ng justice department sa drug war.

Inakusahan din nito ang PNP ng pananakot sa mga pamilya ng mga biktima at mga potensyal na testigo.

Katunayan ayon kay Eleazar, ilang pulis na ang kanilang dinisiplina at sinibak dahil sa iba’t ibang akso ng pang-aabuso sa kapangyarihan.

“Hindi kailanman naging polisiya ng PNP ang panggigipit at pang-aabuso sa mga mahihirap nating kababayan at lalong lalo na ang pagtatakip ng mga kamalian sa aming hanay,” ani PNP chief.

“Batid namin ang mga alegasyong ito subalit ipinapaalam din namin sa ating mga kababayan na mahigit 18,000 na ang naparusahang pulis sa nakalipas na limang taon at kabilang dito ang pagtanggal sa serbisyo ng mahigit 5,000 sa aming hanay dahil sa iba’t-ibang kaso ng pang-aabuso sa kapangyarihan,” giit pa niya.

Matatandaang isinumite ng PNP sa DOJ ang mga kwestiyonableng kaso ng mga anti-illegal drug operations kung saan may mga nasawi, mga suspek man o police operatives. RNT