Panggigipit ng China sa WPS, dapat ilantad! – PCG-WPS spox

Panggigipit ng China sa WPS, dapat ilantad! – PCG-WPS spox

March 8, 2023 @ 4:28 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng isang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) at maritime security expert na dapat ilantad ng Pilipinas ang pananalakay ng China sa West Philippine Sea dahil ito ang pinakamahusay na paraan upang matugunan ang mga operasyon ng huli sa grey zone sa pinagtatalunang karagatan.

Ayon kay PCG West Philippine Sea spokesperson and adviser for maritime security Commodore Jay Tarriela, sa pamamagitan ng pagsisiwalat sa umano’y pambu-bully ng China ay maaaring mapilitan ang mga ito na sumunod sa international law.

“Let us not allow ourselves to suffer silently because of their harassments and hostile actions,” sabi ni Tarriela.

Sa hinaharap, imposible aniyang makalapit ang Pilipinas sa kapangyarihang militar at ekonomiya ng China.

Gayunpaman, sinabi ni Tarriela na hindi ito nangangahulugan na wala tayong magagawa para baguhin ang kanilang pag-uugaling mapang-api at pilitin silang sumunod sa internasyonal na batas.

Ang paglalantad ng PCG ay makaraang tutukan ng “military-grade laser light” ng Chinese Coast Guard sa isa sa mga barko ng PCG sa West Philippine Sea noong Pebrero 6.

Ayon pa kay Tarriela, ang paglantad ng pananakot, pag-uugali at agresibong aksyon ng China ay ang pinakamahalagang kontribusyon ng PCG sa pagkontra sa mga aktibidad sa Indo-Pacific.

“The Philippine Coast Guard’s role now of becoming a mouthpiece… allows the like-minded states to express condemnation and reproach which puts Beijing in the spotlight,” dagdag pa ni Tarriela.

Hinikayat din nito ang pamahalaan na suportahan ang modernisasyon ng PCG upang madagdagan ang kakayahan nito sa pagsubaybay sa gray zone activities sa ibat-ibang bahagi ng bansa.

Sa ngayon, aniya ay mayroon nang mga ulat ng mga paglusob sa hilagang teritoryo at sa silangang seaboard, partikular sa Benham Rise. Jocelyn Tabangcura-Domenden