Panghihimasok ng ‘external forces’ sa drug war probe ng PH gov’t, ‘di pahihintulutan – Remulla

Panghihimasok ng ‘external forces’ sa drug war probe ng PH gov’t, ‘di pahihintulutan – Remulla

March 2, 2023 @ 1:52 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi pahihintulutan ng Pilipinas ang hindi makatwirang pakikialam ng mga “taga-labas” sa imbestigasyon nito sa umano’y krimen na naganap sa kasagsagan ng anti-illegal drug campaign ng nakalipas na Duterte administration.

Sa kaniyang talumpati sa 52nd Regular Session ng United Nations Human Rights Council (UNHRC), nanindigan si Remulla sa soberenya ng Pilipinas.

Binigyan-diin ni Remulla na ganap na gumagana ang justice system sa ilalim ng complementarity test.

Wala aniyang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa mamamayang Pilipino.

Iginiit din ni Remulla na hindi palalampasin ng Pilipinas kapag ang isang international body gaya ng ICC ay lumampas at lumihis sa boundary nito.

Tiniyak ni Remulla sa UNHRC na walang ‘culture of impunity’ sa Pilipinas at doble-kayod ang pamahalaan upang matiyak na nakakamit ng bawat mamamayan ang hustisya.

Ipinabatid din ni Remulla sa Council ang mga reporma na isinusulong ng DOJ upang makatugon sa international human rights conventions. Teresa Tavares