Pangilinan ba-back-up sa air traffic management system ng bansa

Pangilinan ba-back-up sa air traffic management system ng bansa

January 2, 2023 @ 2:18 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nag-alok ng tulong sa pamamagitan ng colocate backup systems sa air traffic management system ng bansa si PLDT Inc. Chairman Manuel Pangilinan.

Ito ay matapos na maging siya mismo ay isa sa mga naapektuhan ng mawalan ng kuryente ang Air Traffic Management Center (ATMC) nitong Linggo, Enero 1 na nagresulta sa kabi-kabilang kanselasyon sa biyahe ng mga eroplano.

Sa ulat, nasa 56,000 pasahero ang apektado ng naturang technical issue sa
Ninoy Aquino International Airport mula sa 282 flights na nakansela, na-divert o na-delay.

Ani CAAP Director General Manuel Tamayo, pumalya ang isa sa uninterruptible power supplies (UPS) sa ATMC at hindi kaagad napagana ang backup systems nito.

Dahil dito ay nabuhay ang panawagan ng mga opisyal ng gobyerno partikular na sa transport sector na magtayo ng backup system.

“We really need to have a backup system na sana located in a different location. Hindi ‘yung malapit dito sa area where we have the existing system,” pahayag ni Transportation Secretary Jaime Bautista nitong Linggo ng gabi.

“Of course we will need to have a budget for this so pag-aralan natin ‘to. We will do a feasibility study and present this to NEDA kasi napakaimportanteng system ito na dapat mayroon ang aviation sector ng Pilipinas,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, may ilang mga flight pa rin ang nananatiling kanselado na dahil pa rin sa technical issue sa ATMC. RNT/JGC