PANGINGISDA AT PAGSUSUGAL

PANGINGISDA AT PAGSUSUGAL

November 17, 2022 @ 11:36 AM 2 weeks ago


ANG kahalagahan ng yamang dagat sa seguridad sa pagkain sa ating bansa ay tinalakay sa napanonood ngayong CNN Philippines special na “The Way Forward.”

Inilatag nito ang mga datos na nagsasabing dalawang milyong mangingisda ang nakapaghahango ng nasa 4.4 milyong metriko tonelada ng isda upang pakainin ang 110 milyong Pilipino. Sa kabila ng importanteng kontribusyon nilang ito sa pangkalahatang supply ng pagkain, nananatili pa ring miserable ang kanilang kalagayan bilang isa sa may pinakamaliliit na kinikita sa bansa.

Idagdag pa d’yan ang panganib na hinaharap ng marami sa kanilang pumapalaot sa West Philippine Sea, ang ating soberanyang teritoryo na ginawa nang regular na tambayan ng mga mapanakop na barkong Chinese.

Mas marami sana ang huli ng ating mga mangingisda upang mapakain tayong lahat kung hindi lang inaangkin-nang walang kumokontra-ng mga bangkang pangisda ng China ang ating mga karagatan.

* * *

Bago pa idaos ang unang in-person ASEAN summit at iba pang mga pagpupulong nitong Nobyembre 10-13 sa Phnom Penh, Cambodia simula nang mangyari ang COVID-19 pandemic, muling nangako ang mga pinuno ng mga bansang ito na tutugunan ang agawan sa teritoryong pangkaragatan sa South China Sea.

Gayonman, patuloy na umaastang bully ang China sa mga pandaigdigang pulong na ito, nakikipagnegosasyon lamang sa bilateral terms kung saan pinakamadali nitong maipamumukha kung bakit ito tinatawag na makapangyarihang bansa. Tuwing nagkakaroon ng kasunduan sa grupo ng mga bansa, tumatangging makipag-usap angBeijing.

* * *
Dahil dito, ang Pilipinas – na pinanigan sa arbitral ruling laban sa China sa isyung idinulog sa The Hague – ay nasadlak sa isang miserableng sitwasyon. Ang saganang supply ng isda ng ating pulo-pulong bansa ay tinatayang tatagal na lang hanggang sa Enero.

Kaawa-awa, ano? Para sa isang bansang may isa sa pinakamalalawak na baybayin sa mundo, kailangan natin ngayong mag-angkat ng isda.

Sa kabilang banda, ipinagmamalaki ng ilang Pilipino na mabuting kapit-bansa raw ang China, nag-donate ng mga bakunang Sinovac at ng mga PPEs na nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar. Pero kasabay nito, pinagbabawalan ang ating mga mangingisda na pumalaot sa dati na nilang pinapangisdaan, at ninanakaw pa ang mga isdang nahuli nila sa sarili nating karagatan.

Totoong nagbigay nga sa atin ang China ng milyun-milyong dolyar na halaga ng bakuna at PPEs, pero bilyun-bilyong dolyar naman ng isda ang ninanakaw nila mula sa atin.

Hoy gising! Ginigisa tayo sa sarili nating mantika! Parang mga politikong pulpol din iyan na nagbibigay ng tulong sa tao, pero ninakaw naman sa kaban ng bayan, na galing din sa taumbayan.

* * *

Nakapanlulumo kung paanong pinanindigan nating manatili ang Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa gayong ang tamang gawin ay ang ipasara ang mga ito.

Tulad ng iginigiit ni Manila 6th District Rep. Benny Abante sa kanyang panukalang magbabawal ng POGOs sa bansa, “ang pagpapatuloy ng operasyon ng POGOs ay pagpapakita at pag-amin sa publiko ng kawalang kakayahan, at kabiguang matugunan nang tama, ang kaawa-awang kalagayan ng ating pambansang ekonomiya,” na moralidad ng mga Pilipino ang nasasaalang-alang.

Tama si Abante nang sabihin niyang ang pangangatwiran na kailangan ng bansa ang kita mula sa POGOs ay isang diretsahang pag-amin ng administrasyong ito na wala itong magagawa kaya naman “suko na ito at tiklop-tuhod sa impluwensiya ng walang armas na kaaway ng lipunan na tinatawag na sugal.”

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.