Pangingisda sa Laguna Lake ipagbabawal muna

Pangingisda sa Laguna Lake ipagbabawal muna

June 30, 2018 @ 3:18 PM 4 years ago


Taguig City – Ipagbabawal muna ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang pangingisda sa lawa ng Laguna dahil maaaring kontaminado umano ang tubig ng lawa na tinambakan ng basura ng dalawang construction company ang humigit kumulang sa  47 ektarya ng Laguna Lake sa Brgy. Calzada, Taguig City.

Ayon kay LLDA General Manager Jaime “Joey” Medina pinag-aaralan ng ahensya kung dapat munang ipagbawal ang pangingisda sa paligid ng Laguna Lake  dahil maaaring naapektuhan ang tubig ng lawa sa mga itinapong basura dito.

Nauna rito ipinasara ng LLDA ang isang reclaimed area na inokupahan ng kumpanyang IPM Construction and Development Corporation at Level UP Construction dahil sa paglabag sa environmental law ng bansa.

Sa interbyu sinabi ni Medina na patuloy ang kanilang ginagawang pagsusuri sa tubig sa paligid ng Laguna Lake kung gaano kataas ang content ng pagkasira ng tubig sa lawa at maging sa paligid ng lupa ng lawa na tinambakan ng basura ng dalawang kumpanya.

Magugunitang inokupa ng kumpanyang IPM Construction and Development Corporation ang 37 ektaryang tinabunang lupa ng Laguna Lake at kumpanyang  Level Up Construction na inokupa naman ang may  1.7 ektarya ng lawa.

Ayon kay Medina iniutos na ng LLDA sa dalawang kumpanya ang pagpapahinto sa kanilang operasyon at pagpapasara sa mga ito dahil sa illegal reclamation activities nito at illegal na pagtatapon ng basura sa shoreland ng Laguna Lake na lumalason sa tubig ng Laguna Lake.

“Naniniwala ako na napabayaan ang naturang lugar kung bakit nakapag-operate ang mga naturang kumpanya at naabuso ang lawa ng Laguna” ani pa ni Medina.

Tiniyak ni Medina na mananagot ang mga naturang kumpanya sa ginawang pagsira at pag-abuso sa Laguna Lake matapos tambakan ng basura ang naturang lugar.

“Ang aming ikinababahala dito posibleng kontaminado na ang tubig sa shoreland ng Laguna Lake” ani pa ni Medina.

Sinabi ng LLDA na nagsampa na sila ng kasong criminal laban sa kumpanyang IPM Construction and Development Corporation at Level UP Construction dahil sa paglabag sa environmental law. (Santi Celario)