Pangulong Digong, tatapusin lang ang termino at babalik na sa Davao

Pangulong Digong, tatapusin lang ang termino at babalik na sa Davao

July 1, 2018 @ 9:22 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Gusto nang bumalik ng Davao City ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

 

Tatapusin lamang ng Pangulo ang kanyang termino sa taong 2022 at pagkatapos ay ‘goodbye’ Manila, ‘hello’ Davao na siyang muli.

 

Sa ngayon ay nakatutok ang pansin ng Chief Executive na maisakatuparan ang mga pangako niya sa bayan.

 

Kaya nga hinikayat ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher ‘Bong’ Go ang publiko na patuloy na suportahan ang mga programa at reporma sa pamahalaan.

 

Ito ay kasabay ng ikalawang taong anibersaryo ni Pangulong Duterte sa puwesto kahapon, Hunyo 30.

 

Aniya walang ibang hangad ang Punong Ehekutibo kundi ang mapabuti ang sambayanan pero magiging mas madali ang lahat kung sa halip na batikusin ay suportahan at tulungan na lang ng sambayanan ang Pangulo.

 

Aniya, sa ilang taon na nilang pagsasama ng Pangulo ay walang ibang bukambibig ang ito kundi ang mapabuti ang sambayanan, malinis ang mga lansangan sa mga krimen, masawata ang iligal na droga at malinis ang gobyerno mula sa mga kurap na opisyal na nagsasamantala sa puwesto.

 

Sa nakalipas aniya na 2 taon ng pangulo sa puwesto ay tinutukan nito ang kanyang 3-point agenda kabilang ang kampanya laban sa illegal drugs, kriminalidad at korapsyon.

 

Ito ang dahilan kung bakit kahit ang ilang malalapit sa Pangulo ay kanyang sinibak sa puwesto dahil sa katiwalian.

 

Samantala, hinikayat din niya ang PNP at AFP na huwag matakot na isakatuparan ang kanilang obligasyon sa bayan dahil nasa likod sila ng Pangulo hanggat hindi sila lumalabag sa batas. (Kris Jose)